Ang pagtawag sa bago at makabuluhang buhay-Kristiyano

Ang pagtawag sa bago at makabuluhang buhay-Kristiyano

Inaanyayahan tayo ng Liturhiya ng Salita ngayon na mag-isip at mabuhay nang iba sa sanlibutan. Sa nakalipas na mga dantaon, ang mga Kristiyano ang nanguna sa agham, sining, at lipunan, na naglatag ng pundasyon ng modernong kultura at karapatang pantao. Ngunit kumusta tayo ngayon?

“Dinaya mo ako, O Panginoon, at ako’y nagpadaya.” Si Jeremias ay hindi tambo sa hangin o taong nakatira sa palasyo. Siya ay ipinadala ng Diyos upang ibunyag ang kasamaan. Bagamat natukso siyang sumuko, ang katapatan ng mga propeta ang naging inspirasyon upang baguhin ang mundo.

Kalooban ng Diyos na mamatay si Hesus para sa kaligtasan ng lahat at muling mabuhay. Subalit iba ang hangad ng mga apostol; para sa kanila, ang Mesiyas ay dapat lumupig sa mga Romano. Ang kaisipang ito na sumasalungat sa plano ng Diyos ay nagpapakita ng anyo ni Satanas. Sinaway ni Hesus si Pedro tulad ng pagsaway niya kay Satanas. Ang pagkakaiba, hindi kayang magsisi ni Satanas, ngunit ang tao ay pwedeng magbago at sumunod kay Hesus.

Ang tao ay naghahangad ng mundo kahit kapalit ang kanyang kaluluwa; ang daan naman ng Diyos ay ang pagtatwa sa sarili, pagpasan ng krus, at pagsunod kay Hesus. May dalawang pinagpipilian: ang malapad na daan patungong kapahamakan o ang makipot na landas patungo sa buhay na walang hanggan. Madalas tayong sumusunod sa karamihan, habang nakakalimutang iisa lamang ang katotohanan.

“Ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.” Sa sentro ng ating pananampalataya ay ang misteryo ng pagkamatay at pagkabuhay muli ni Kristo. Ang krus ang makipot na pintuan patungo sa buhay. Alam ito ni San Maximiliano Kolbe nang ialay niya ang sarili bilang buhay na hain. Ang kanyang kamatayan ay naging tanda ng tagumpay laban sa Nazismo. Ibinigay niya ang kanyang buhay para sa kapatid at ngayon ay nagtatamasa ng walang hanggang kaligayahan.

“Huwag kayong makiayon sa mundong ito, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.” Maglakas-loob tayong tumayo para sa katotohanan, ipahayag na Tanging ang Diyos lamang ang nakakapagpuno sa ating puso, at tulutang akayin tayo ni Hesus patungo sa kaganapan ng buhay.

Claretian Publications

___________________________________________________________________________