Sino ako?

Sino ako?

Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, angAnak ng Diyos na buhay.” (Mt. 16:14-15).

Ang pananampalataya ay isang ugnayan, relasyonal. Hindi lang tayo sumasampalataya dahil ito na ang nakagawian natin o kinamulatan natin. Dahil tayo ay lumaki bilang Katoliko. Upang mapalalim ang ating pagsunod kay Kristo atin S’yang kilalanin. Dahil kung wala tayong relasyon kay Kristo, hindi tayo tatagal sa ating pagsunod sa kanya. Maraming taga sunod ni Hesus na dismaya at umaalis dahil sa kanilang maling paniniwala, na kung sila’y sumunod kay Kristo, walang problema ang buhay. Si Hesus mismo nagpa-alala sa atin na kung tayo ay sumunod sa kanya handa natin limutin ang ating sarili ay pasanin ang krus sa buhay natin. Ito ang pakay ni Hesus bakit tinanong sila, “kung sino S’ya?” Sino ba si Hesus sa buhay mo? Meron ka bang personal na karanasan kay Hesus?

Sa ating buhay kailangan na makilala din natin ang ating sarili bilang Kristiyano upang alam natin kung anong pamumuhay na ating ipakita sa mundo. Ang buhay na ginagalawan mo ngayon ay buhay Kristiyano ba? O buhay na makamundo? O buhay na walang paki-alam sa lipunan? Bilang binyagan ang ating misyon ay hindi lamang mabuhay sa mundong ito, kundi paano natin maisabuhay ang ating pananampalataya sa mundong ito.  Makikilala nila si Kristo sa pamamagitan ng ating ating pagsasabuhay ng ating pangako sa binyag. Talikuran ang kasalanan at isabuhay ang turo ni Hesus. Ang buhay Kristiyano ay ang pagpapakilala ni Kristo sa pamamagitan ng ating gawa. 

Sa pamamagitan ng ating tapat na panalangin, mapalalim natin ang ating pananampalataya at ito ang magbibigay ng lakas at direksyon ng ating pamumuhay. Nawa’y sa ating panalangin maging masunurin tayo tulad ni Hesus, naging masunurin sa kalooban ng Ama. Sa kanyang pagka-masunurin nakilala ng mundo ang pag-ibig ng Ama sa sanlibutan. Bilang kasapi ng simbahan, bilang katawan ni Kristo ito ang ating misyon na mapakilala si Kristo sa pamamagitan ng ating kabutihan, pagtulong sa mga nangangailangan. Sa ating pagmimisyon tayo’y nagbibigay buhay at pag-asa, at dahil sa ating pagmimisyon, makikilala nila si Hesus na nagbibigay buhay at S’ya ang ating pag-asa sa ating paglalakbay tungo sa kanyang kaharian. 

Kristiyano ka, ipakilala mo si Kristo sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng iyong pananampalataya. 

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________