Hesus, alalahanin mo ako ka pag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”(Lc. 23:42-43).
Sa Linggong ito ay ating ipinadiriwang ang dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoon Hesukristo sa sanlibutan. At ang kapistahang ito ay ang pagtatapos ng ating Liturhiyang kalendaryo. Sa darating ng linggo ay papasok na naman tayo ng bagong liturhiyang kalendaryo ng ating Simbahan. Ang kapistahan ito ay nagpapaalala sa atin, na sa katapusin si Hesus ang ating Mesiyas ay ang Hari. S’ya ang ating magiging hukom kung paano natin ginagamit ang ating buhay na ipinahiram sa N’ya sa atin.
Si Hesus, ang ating Hari, ay puno ng pagmamahal. Sa kabila ng mga pag-uusig sa kanya, sa pagtalikod ng kanyang mga alagad, hindi nababalot ang kanyang puso ng galit at puot. Ito ay puno pa rin nag pagmamahal sa atin. Ipinakita N’ya ito sa isang salaring kasama Niyang nakapako sa krus. Nahahabag ang Panginoon sa taong nagpakukumbaba ng kanyang sarili at inaamin ang kanyang pagkakamali. Ang isang tulisan na katabi N’yang ipinako ay umamin sa kanyang pagkakamali, at Siya’y nagpakumbaba. “Pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” (Lc. 23: 40-41). Inaamin N’ya ang kanyang pagkakamali, naging totoo S’ya sa kanyang sarili.
May pag-asa ang tao nagkakamali kung ito’y nagpakumbaba at humingi ng tawad sa Panginoon. Sabi N’ya; “Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.” Si Hesus ang Hari na nagbibigay pag-asa sa ating buhay.
Ang tunay na pagsisisi ng kasalanan, ang pagbabago ng sarili ay daan tungo sa paraiso. Sa pangyayari ng ating bansa, nagtuturuan kung sino ang may kasalanan at wala naman umamin sa kanilang pagkakasala. Hindi magiging mapayapa ang buhay natin kung hindi tayo magpakumbaba at paninindigan ang ating pagkakamali. Huwag natin ituro o isisi ang ating pagkakamali. Magpakumbaba ka lamang, lalapit kay Hesus na puno ng pagmamahal ang puso, at babaguhin ka N’ya, dahil ang nasa puso ng Hari, tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan.
Si Hesus ay ang ating Hari. Ang kanyang pagkahari ay hindi sa kapangyarihan kundi sa paglilingkod at pag-aalay na kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Tandaan natin, na sa ating binyag, natanggap natin ang tatlong papel o tungkulin natin; bilang Pari, Propeta and Hari. Tungkulin ng Pari, magdasal, ang Propeta, maging saksi at ang Hari ay paglilingkod. Tayo ay Hari rin din, maging ganap ang ating pagkahari kung tayo ay maglilingkod din sa ating kapwa. Nawa’y ang puso natin ang mapuno ng pagmamahal tulad kay Kristo upang maisabuhay at mapagdiwang natin ang kanyang pagkahari.
Nawa’y ang puso ng Hari, ay maging puso din natin
Father Jay Flandez SVD









