
May dalawang bahagi ang ating liturhiya sa Linggo ng Palaspas. Ang una ay ang paggunita sa pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem. Ang mga tao ay natutuwa at nagagalak dahil ang kanilang inaasahan ay dumating na. Ang kanilang sigaw ay, “Purihin ang hari na dumarating sa ngalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Purihin ang Diyos!” Napupuno sila ng pag-asa at galak dahil ang kanilang pag-asa, ang Hari ay dumating na.
Sa ikalawang bahagi ng liturhiya, sa pagbasa ng ebanghelyo sa Banal na Misa, iba na ang sigaw ng mga tao, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barrabas!, ‘Ipako sa krus, ipagko sa krus!” Bakit nagbago sila?
Dahil ang mga nasa kapangyarihan ang gumagawa ng paraan upang si Hesus ay maparusahan. “Noong panahong iyon, tumindig ang matatanda ng bayan, ang mga punong saserdote, at ang mga eskriba. Dinala nila si Hesus kay Pilato. Sinimulan nilang paratangan si Hesus, ang taong ito’y nahuli naming nanunulsol sa aming kababayan na maghimagsik, at nagbabawal ng pagbabayad ng buwis kay Cesar. Pinapaniwala pa niya ang mga tao na siya ang Kristo, isang Hari.”
Ito ang dahilan kung bakit ang mga tao ay tumalikod kay Hesus, dahil sila ay ‘nabudol-budol’ ng mga punong saserdote, mga taong nasa kapangyarihan. Dahil ayaw nila na mapalitan sa kanilang kapangyarihan, gumawa sila ng paraan upang mawala si Hesus sa kanilang landas.
Sa ating paghahanda sa Banal na mgaraw, ating palakasin ang ating pangako kay Hesus, noong tayo’y tumanggap ng Sakramento ng Binyag, na hindi natin S’ya tatalikuran, bagkus atin S’yang ipaglaban sa pamamagitan ng ating pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Huwag natin bawiin ang ating pangako kay Hesus. Dahil ang tunay na pagsunod kay Hesus ay ang pag-alay ng ating buhay.
Si Hesus ay nag-alay ng buhay dahil sinunod at tinupad N’ya ang katotohanan at ang kalooban ng ating Amang nasa langit. Hindi binabawi ni Hesus ang kanyang pa-
ngako sa Ama. Mahirap man tuloy ang laban.
Ang tunay na alagad ni Kristo ay hindi binabawi ang kanyang pangako, hindi umaatras sa laban dahil ang tunay na Kristiyano ay nag-aalay ng kanyang buhay para kay Kristo.
Father Jay Flandez SVD