Mula ngayo’y mamamalakaya kang mga tao

Mula ngayo’y mamamalakaya kang mga tao

Nasubukan mo na ba na ayain ng kaibigan na mag apply ng trabaho at sabihin sayo na tara at mag apply ka sa pabrika at ako ang bahala? Kahit alam mo na nag apply ka na sa kumpanya na yun at di ka natanggap. Pero dahil may tiwala ka sa kanya eh sige at nag apply ka. Sa kwento nila Simon Pedro, inaya sila ni Hesus na ihulog ang lambat para makahuli ng isda. At sabi nga ni Pedro eh kahit pagod na sila magdamag at walang nahuli eh sige at ihuhulog nila ang lambat kasi sabi ni Hesus eh. Nakita natin na anduon ang respeto at tiwala nila kay Hesus. Kasi Lord sabi mo ihulog ang lambat eh di sige ihulog. At yun nga ang dami nilang nahuling isda. Hindi maka paniwala sa tuwa at maaaring takot na naramdaman sila Pedro sa himala na ito. Nagulat sila Pedro sa kanilang nakita kaya parang napa teka muna si Pedro sa takot dahil nakilala nya at nakita ng kanyang mga mata ang ginawa ni Hesus. Bilang sanay na mangingisda eh alam ni Pedro na wala ng mahuhuli, pero dahil sinabi ni Hesus, nanalig sya. Siguro naisip nya eh wala namang mawawala. 

Kaya naman ang unang tugon ni Pedro at mga kasama nya eh Lord lumayo ka po sa akin at akoy makasalanan. Nakita ni Pedro ang kanyang kahinaan at kasalanan. Pero ang tugon ni Hesus ay pag tawag kay Pedro at mga kasama 

 “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.” Nakita ni Hesus kay Pedro ang kababaang loob . At bilang pagtugon sa tawag ni Hesus  ay iniwan nila ang lahat at sumunod sila kay Hesus. 

Tayo din ay tinatawag ni Hesus na sumunod sa kanya at maging mangingisda, taga aya ng tao sa kabutihan at katotohanan. Taga lambat ng tao para mailapit kay Hesus. Tulad nila Pedro tayoy tinatawag ni Hesus na ihulog ang ating mga lambat at mag tiwala sa Diyos. Minsan kahit hirap na tayo o pagod at parang wala ng lakas eh sige pa din tayo sa pagsunod kay Hesus. Magtiwala at manalig sa Salita ni Hesus. Ang paghulog ng lambat ay pagpapakita ng pananampalataya sa Diyos. Ang pagtugon sa tawag ni Hesus na maging mamamalakaya o mangingisda ng tao ay pagsasabuhay ng ating tapat na relasyon sa Diyos.

Magtiwala,  manalig, tumugon at magpahayag ng Mabuting Balita sa lahat ng tao at bansa.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________