
Magiliw siyang tiningnan ni Hesus, at sinabi sa kaniya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon
ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.” (Mc. 10:21).
Ang pagsunod sa batas ay mahalaga dahil dito natin maipakita ang ating pagmamahal sa Diyos. Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay pagpupuri sa Kanya. At ang layunin ng batas ay pagpapalaya sa atin. Dahil kalooban ng Diyos ay mapalaya tayo sa kadiliman at kaalipinan ng kasalanan, para ang paglalakbay natin ay puno ng liwanag tungo sa kanyang kaharian. Ang batas ay hindi pabigat, kundi ito ang magbibigay sa atin ng kalayaan. Malaya ang tao kung sinunod ang mga batas ng Diyos. Ang paglilingkod at pagtulong sa kapwa ay ang bunga ng pagsunod sa batas ng Diyos. Ang paglilingkod sa kapwa ay daan sa ating tunay na kalayaan. Hindi maging malaya ang tao kung S’ya ay nabilanggo sa kanyang kayaman.
Ang lalaking mayaman sa ating ebanghelyo, na sumusunod sa batas simula pa sa kanyang pagkabata, ay umalis na malungkot. Bakit? Dahil may hamon ang Diyos sa kanya, “Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Sumunod sa batas pero hindi tumutulong sa kapwa. Ang pagsunod sa batas ay hindi lamang para sa ating sarili, kundi ito ay para sa ating komunidad at sa Panginoon. Tayo ay napabilang sa isang komunidad, Kristiyanong pamayanan. At dahil dito ang pagsunod sa batas ay ang paglilingkod sa mga nangangailangan sa ating pamayanan.
Sa ating Ebanghelyo, gusto ng Diyos na ating paglingkuran ang mga kapatid natin na naghihirap. Ang tunay na Kristiyano ay handang maglingkod sa kapwa. Dahil tayo ay isang katawan ni Kristo. Hindi masaya ang buhay Kristiyano kung may mga kapatid tayong naghihirap at wala man lang tayong ginawa upang maibsan ang kanilang kahirapan. Hindi sapat ang ating pagsunod sa batas kung walang pagmamahal sa kapwa. Ang paglilingkod natin sa kapwa ay pagpapahayag ng mahal natin ang Diyos. At sa ating pagtulong sa kanila, mararanasan nila na ang Diyos ay buhay. Dahil ang ating patulong ay nagbibigay buhay at pag-asa sa ating kapwa. Nakikita nila ang Diyos sa ating Kristiyanong gawain.
Ang ating tunay na kayamanan ang ay paglilingkod sa kapwa. Ang pagmamahal sa kapwa ay ang ganapan ng batas. Mayaman at masaya ang buhay kung ang kapwa ang nauuna hindi ang sarili.
Father Jay Flandez SVD