
Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” (Mt. 28:18-20).
Ang dakilang kapistahan ng Banal na Santatlo ay nagpapaalala sa atin na ang ating Diyos ay pag-ibig. Ibinahagi ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagmimisyon ng kanyang bugtong na Anak, na si Hesus upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Ang pag-ibig ng Diyos ang nag-udyok sa mga alagad na sumunod sa mga utos ni Hesus upang ipalaganap ang pag-ibig ng Banal na Santatlo sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita upang tanggapin nila ang Binyag. Sa pamamagitan ng pagtanggap ng Binyag tayo ay nakilahok sa buhay ng Banal na Santatlo.
Sa Binyag ipinakilala ang Diyos sa atin. Sabi ni Hesus sa kanyang mga alagad; “binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.” Ang Diyos natin ay Banal na Santatlo. Iisang Diyos tatlong persona. Magkakaiba pero iisa. Ito ang misyon ng Diyos para sa atin, na sa kabila ng ating pagkakaiba, posibleng magkakaisa tayo kung ang Diyos ang maging sentro sa ating pamumuhay.
Ang mundo natin ay nagkawatak-watak, sugatan at puno ng kadiliman. Ang Banal ng Santatlo ang ating pag-asa upang magkaroon ng paghilom ang ating mundo. Ang pagsasabuhay sa pag-ibig ng Diyos at ang pagkakaisa, ang tugon ng ating kawalan ng pag-asa. Kung ang pag-ibig ang maghari sa ating buhay, kung ang Banal na Santatlo ang mag-gabay ng ating pamumuhay ito ang magbibigay sa atin ng liwanag at direksyon sa ating paglalakabay. Dahil ito ang pangako ng Diyos na sasamahan tayo hanggang sa wakas ng panahon.
Ang Banal na Santatlo ay nagbibigay ng inspirasyon ng ating pamumuhay sa pamayanan. Magkaka-iba tayo pero kung ang Diyos ang nasa sentro ng ating buhay may pagkakaisa. Marunong magbigayan at magpatawaran kung ang Diyos ang ating buhay. Marunong tumanggap sa pagkakaiba natin. Sikapin natin na ang Banal na Santatlo ang manguna sa ating pamumuhay hindi ang sarili. Ito ang daan na maiintindihan natin ang hiwaga at misteryo ng Banal na Santatlo.
Banal na Santatlo gabayan mo kami sa aming pamumuhay!
Father Jay Flandez SVD