
Ngunit agad siyang nagsalita at sinabi sa kanila, “Huwag kayong mata- kot; si Hesus ito!” At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus. “Napakaliit ng iyong pananalig!” sabi niya kay Pedro. “Bakit ka nag-alinlangan?” (Mt. 14:27-31).
May kasabihan sa Ingles “Life begins when fear ends.” Kung ang buhay natin ay puno ng takot hindi natin mararanasan ng totoong buhay. Ang isang Kristiyano o ang isang binyagan na namatay na. Ha! Paano? Bakit buhay pa ako. Ah ganito yan, sa pagtanggap natin ng Sakramento ng Binyag, tayo ay namatay na sa sanlibutang ito, pero tayo ay nabubuhay na sa Espiritwal na pamumuhay. Ibig sabihin ang isang Kristiyano ay nabubuhay sa mga spiritwal na bagay, tulad ng panalangin, pagsisimba, pag-gawa ng kabutihan sa kapwa, pagsunod sa kalooban ng Diyos, at iba pang espiritwal na mga gawain at bagay.
Ang ating hangarin bilang Kristiyano ay ang kaharian ng Diyos, na tayo ay makapunta sa kanyang kaluwalhatian. Ito ba ang gusto mo kapatid? O baka ang gusto mo ay ang makamundong kayamanan. Kung ang inuuna mo ay ang mga maka-mundong bagay, ang buhay mo ay magiging puno ng takot. Dahil hindi kayang ipagtanggol ang buhay mo sa kayamanan mo. Pero kung inuuna mo ang spiritwal na pamumuhay, si Kristo ang magiging tagapagtanggol sa buhay mo.
Noong natakot si Pedro ang sigaw n’ya; “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” At sya’y sinagip ni Hesus dahil ang tiwala ni Pedro hindi sa kanyang sariling kakayanan. Di ba si Pedro ay isang magaling na mangingisda, magaling din yun lumangoy. Pero siya at nagtitiwala sa pamamaraan ng Diyos. Magtiwala ka sa pamamaraan ng Diyos ay ika’y magkamit ng tagumpay.
Ikaw ba ay nagtitiwala sa pamamaraan ng Diyos? May mga takot tayo bilang OFWs. Takot tayo sa trabaho baka biglang ma-terminate, takot tayo sa ating pamilya sa Pilipinas, lalong-lalo na ang mga bata na nag-aaral pa lang. Baka masama sa mga hindi magandang barkada, takot tayo sa maraming bagay. Pero kung kasama natin si Hesus, S’ya ang gagabay at mag-protekta sa ating buhay. S’ya ang ating lakas sa ating paglalakbay.
Bilang mga dayuhang manggagawa, huwag mong hayaan ang takot ang maghari sa buhay mo. Hindi mo malasap ang sarap ng buhay kung puno ng takot ang iyong isip at puso. Hayaan mo si Kristo ang gagabay s’yo dahil kung si Kristo ang kasama mo panatag ang buhay mo, dahil si Kristo ang ating buhay at tagapagligtas. Kung kasama natin si Kristo, hindi tayo matatakot na humarap ng mga bagyo at unos sa buhay natin, dahil si Kristo ang hari ng kapayapaan.
Tandaan mo, pagkasama si Kristo, may kapayaan at kaligtasan ang buhay mo!
Father Jay Flandez SVD