Si Kristo ang tunay na kayamanan!

Si Kristo ang tunay na kayamanan!

Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laki ng tuwa, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon.” (Mt. 13:44).

Si Hesus ang ating tunay na kayamanan. Kung makilala natin siya ng totoo at tunay, ay handa nating ibigay at talikuran ang lahat para lamang sumunod sa kanya. Ang pagbasa sa Linggong ito ay nag-anyaya sa atin na sikapin na makilala si Hesus, siya ang ating tunay na yaman. Kung nagsisikap tayo na makamit ang mga materyal na bagay para sa ating ikabubuhay, paano na kaya ang bagay na makalangit at pang-habang buhay? 

Ang hamon sa atin para makamit ang tunay na kayamanan ay magsikap na makilala at matagpuan si Kristo. Paano? Una sa pamamagitan ng pagbabasa ng Banal na Aklat. Ang salita ng Diyos ay parang isang mapa na magtuturo sa atin kung paano natin makilala si Kristo. Ang salita ng Diyos ay hindi ito gagamitin para makipag-debate sa kapwa. Nabasa nga natin ang salita ng Diyos, tapos nakipag-away naman tayo. Hindi natin makikita ang kayamanan ni Kristo. 

Sinabi sa ating pagbasa na, noong nakita ang kayamanan, umuwi siya at ipinagbili ang kanyang ari-arian upang bilhin ang lupang iyon. Ibig sabihin na may sakripisyo ang pagsunod kay Kristo. Handa tayong tumalikod sa mga kasamaan at kasalanan para sundin si Kristo ang tunay na kayamanan. Hindi tayo manatili sa ating makasalanang buhay dahil nakilala at natagpuan na natin si Kristo, ang tunay na kayamanan. Handa tayong mag“give-up” sa mga ugali natin na hindi maganda at hadlang sa ating pakikipag-kapwa. Tulad ni Zaqueo, noong natagpuan si Hesus, ay ibinigay niya ang kalahati ng kanyang ari-arian sa mga mahihirap, dahil alam niya na si Hesus ang tunay na kayamanan. Naunawaan ni Zaqueo, na ang pagtulong sa kapwa ay magbibigay sa kanya ng kaligayahan. Ang pagtulong sa mahihirap ay isang kaligayahan. Hindi mababayaran ng kayamanan kung napangiti mo ang isang taong naghihirap.

Tandaan natin si Hesus ang ating kaligtasan hindi ang ating kayamanan. Kung pinagpala tayo ng Diyos ng kayamanan gamitin natin to para kay Kristo. Hindi masama ang materyal na kayamanan, pero kung hindi ito gagamitin para mahanap ang tunay na kayamanan hindi natin makamtan ang tunay na kaligayahan. Dahil ang tunay na buhay at kaligayahan ay matatagpuan lamang kay Kristo. 

 

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________