
Kaya’t lumapit ang mga alipin sa puno ng -sambahayan at sinabi rito, ‘Hindi po ba mabuting binhi ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga iyon?’ ‘Huwag,’ sagot niya. ‘Baka mabunot pati trigo. Hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang sa anihan. Pag-aani’y sasabihin ko sa mga tagapag-ani: Tipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin, at ang trigo’y inyong tipunin sa aking kamalig.’ ” (Mt. 13: 27-30).
Ang tao ay ginawa na kawangis ng Diyos. At ang Diyos ay mabuti at mapagmahal, samakatuwid ang tao na ginawa ng Diyos ay mabuti. Bakit may mga masasamang tao? Hindi pinahalagahan ang buhay ng iba, bakit hinayaan ng Diyos ang mga masasamang tao? Sana tanggalin na sila sa mundong ito.
Tulad ng ating pagbasa ang mga alipin ay nakiusap sa may-ari na bunutin at tanggalin na ang mga masasamang damo. Pero sabi ng may-ari, “hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang sa anihan.” Ang Diyos ay mapag-mahal at binigyan tayo ng pagkakataon na magbago. Hindi tinitingnan ng Diyos ang ating nakaraan, ang gusto ng Diyos na handa tayong magbago upang sa katapusan ng panahon hindi tayo mapabilang sa mga damong pagbigkis-bigkisin upang sunugin o itapon sa impierno.
Kapatid may panahon pa na tanggalin ang mga damo o mga kasalanan sa buhay mo. Huwag mong hayaan na sa iyong paglalakbay ay lalago ang damo o kasalanan sa buhay mo. Sa tulong ng ating mga pananalangin at pagsasakripisyo ating makayanan na mabago ang ating sarili. At sa ating pagbabago makikita natin ang kabutihan ng Diyos, dahil ang Diyos na lumikha sa atin at may plano sa buhay natin. Kung namumuhay ka sa damo o kasalanan hindi mamumunga ang iyong buhay. Dahil ang kasalanan ay hindi magdala sa atin sa tagumpay.
Ang hamon sa atin upang makamtan ang tagumpay ay magbago habang may panahon pa. Huwag hayaan ang mga damo, ang kasalanan ang maghari sa iyong buhay. Tanggalin mo ang mga damo sa buhay mo. Damo ng inggit, damo ng galit, damo ng hindi pagpapatawad, damo ng makasarili at iba pang uri ng kasalanan.
May panahon pa upang bumangon sa ating pagkakamali, linisin mo ang kaluluwa mo upang makita mo ang tamang daan tungo kay Kristo. Ang buhay natin ay magbunga kung si Kristo ang kasama.
Kapatid, magbago ka na, may panahon pa!
Father Jay Flandez SVD