Ang Banal na Eukaristiya ay nagbibigay buhay

Ang Banal na Eukaristiya ay nagbibigay buhay

Bukas ating ipagdiriwang ang ating ika 125th anibersaryo ng ating kalayaan. Ang ating mga ninuno ay nagbuwis ng kanilang buhay upang mapalaya ang ating Inang Bayan. Pinahalagahan ba natin ang kanilang pagsisikap, pagsasakripisyo at pagbubuwis ng kanilang buhay upang makamtan ang kalayaan ng ating Bayan?

Ang dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon ay nagpapa-alala sa atin na ang tunay na kalayaan ay kay Kristo lamang. Siya ang nagbibigay buhay at direksyon ng ating bayan. Sabi sa ating ebanghelyo; “Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” (Jn. 6:51).

Sa pagtanggap ng Sakramento ng Binyag, tayo ay naging bahagi sa katawan ni Kristo. At kung ang bayan ay hiwalay kay Kristo hindi ito magkakamit ng tunay na buhay. Kung ang bayan ay hiwalay kay Kristo hindi ito makamtan ang tunay na kalayaan at kapayapaan. Si Kristo ang ating tunay na kalayaan. Hindi ang materyal na kayamanan ang ating kalayaan. Marami sa atin na nabilanggo sa makamundong kayamanan at kaluguran pero ang puso ay walang tunay na kapayapaan.

Paano ba natin makamtan ang tunay na kalayaan at kapayapaan? Sa pagsunod kay Kristo at pagtanggap sa kanya bilang tunay na Hari. Si Hesus mismo ay nag-alay ng kanyang sarili para sa ating kaligtasan. Ibinigay N’ya ang kanyang buhay upang makamtan natin ang kaligtasan at kalayaan. 

Sa ating pagdiriwang ng anibersaryo ng ating kalayaan, tayo rin ay hinamon na sundan natin si Hesus upang may lakas tayo, na mag-alay ng buhay para sa kapwa at sa bayan. Ang banal na Eukaristiya ang nagbibigay lakas sa ating paglalakbay bilang bayan ng Diyos. Ang tumatanggap sa banal na katawan  ni Kristo ay magbibigay buhay sa bayan at sa sanlibutan. 

Ang banal na Eukaristiya ang nag-uudyok sa atin upang mag-misyon. Samakatuwid ang tumatanggap sa Katawan ni Kristo ay dapat magbibigay buhay.  Dahil sabi ni Hesus; “Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumakain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang akin laman.”

Ang Banal na Misa ay ating buhay bilang binyagan. Ugaliin natin na tuwing “day-off” dumalo sa Banal na Misa at makilahok ng misyon ng Simbahan.

 

Father Jay Flandez SVD

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


___________________________________________________________________________