
Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos!”
Sa ikalawang Linggo ng Adbiyento tinatawagan tayo muli sa ating pagbasa na talikdan ang kasalanan at sundan at pakinggan ang panawagan ni Juan Bautista na “ihanda ang daan ng Panginoon, patagin ang kanyang mga landas.” (Mt. 3: 2).
Ang panahon ng Adbiyento ay panahon para paghandaan ang pagsilang ng ating Mesiyas. Ano ba ang klaseng paghahanda na dapat natin gawin?
Una, ay pagsisisi sa ating mga kasalanan. Ito ang sinabi sa ating pagbasa na talikdan at pagsisihan ang ating mga kasalanan. Hindi maghari ang Diyos sa buhay natin kung hindi natin tanggapin ang kanyang haharian. At bago natin tanggapin si Kristo, dapat talikuran natin ang kasamaan upang ang kabutihan ng Diyos ang maghahari sa buhay natin. Sikapin natin na pumunta sa kumpisalan at magpakumbaba, at humingi ng kapatawaran sa ating maawaing Diyos.
Kung hangad mong maghari si Kristo sa buhay, huwag kang mata- kot lumapit sa kanya, babaguhin ka N’ya sa pamamagitan ng Kanyang grasya.
Magbago na tayo. Talikuran ang buhay na puno nang kasamaan at kadiliman. Mamuhay na tayo sa liwanag at kapayapaan. Ito ang tunay na diwa ng Adbiyento ang espiritwal na paghahanda.
“Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: Ihanda ninyo ang daraan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!” (Mt. 3:3). Ano ba ang dapat na baguhin mo? Dahil nabubulag na tayo sa kasamaan at kasakiman hindi na natin alam ang dapat nating baguhin.
Akala natin tayo na ang tama. Kung wala si Kristo sa buhay natin, wala tayo sa katotohanan. Tanggapin mo si Kristo bilang iyong liwanag at Mesiyas. At kung ating tanggapin si Kristo, pakinggan at sundin natin ang kanyang mga utos.
As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:
https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033
Ang pagbabago sa buhay natin ang tunay na diwa ng Pasko. Ang Pasko ay pag-asa na ang mga nasa kadiliman ay hahanguin ni Kristo at dalhin sa liwanag at tunay na kalayaan.
Ang pagbabalik loob natin kay Kristo ay ang pagtanggap ng tunay na pagbabago. Dahil si Kristo lamang ang magpapabago sa buhay natin. Kung hiwalay tayo sa Kanya, walang pagbabago, walang pagpapala sa buhay natin. S’ya ang ating tunay na pag-asa. Gusto nating baguhin ang ating lipunan, gusto nating baguhin ang ating pamilya, kung ganon lalapit tayo kay Kristo dahil S’ya ang tutulong sa ating pagbabago. Sa pamamagitan ng grasya ng Diyos ang buhay nating puno ng kadiliman ay magiging liwanag at puno ng kapayapaan.
Lapitan din natin si Maria, ang Ina ni Hesus, na napupuno ng grasya. Sa pamamagitan at tulong ni Maria, magkamit din tayo ng panibagong buhay na puno ng pag-asa, liwanag at kapayapaan!
Father Jay Flandez SVD