
Alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.” (Lc. 23:42-43).
Sa Linggong ito ating ipinagdiriwang ang Kapitahan ng Kristong Hari. Si Hesus ang ating tunay na Hari. Pumarito siya upang iligtas ang sanlibutan sa kasalanan. Hindi makamundong kapangyarihan ang kanyang sandata para tayo’y iligtas, kundi ang kanyang dakilang pagmamahal. “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Jn. 3:16). Ang dakilang pag-ibig na Diyos ang dahilan para sa ating kaligtasan.
Sa ating pagtatapos ng liturhiya ng ating Simbahan tayo ay pina-alalahan na ang pag-ibig, tulad kay Kristo ang ating gabay para sa ating kaligtasan. Kung ang puso natin ay puno ng tunay na pag-ibig handa tayong maglingkod, magmahal at magpatawad sa ating kapwa. Tinuturaan tayo ni Kristo, ang ating tunay na Hari, kung papaano umibig sa pamamagitan ng pagsasakripisyo. Pag-ibig hanggang sa krus.
Kung si Hesus ay hari, bakit siya ipinako sa krus? Ang pagpapako ni Hesus sa krus ay nagpapakita sa atin na ang kanyang pag-ibig ay handang mag-alay at magsakripisyo para sa ating kaligtasan. Ito ang tunay na Hari, hindi ang makamundong kapangyarihan ang hinahangad kundi ang kaligtasan ng sangkatauhan. May mga taong naghari-harian, ang kanilang gusto ay kapangyarihan lamang. Wala silang pakialam sa lipunan, ang pakay lamang nila ay kayamanan.
Mga kapatid si Kristo ang ating tunay na Hari. Habang siya ay nakabitin sa krus ipinakita niya ang kanyang pagka-hari sa pamamagitan ng paghatol ng isang tulisan na binigyan ng kalayaan. Tularan natin ang isang tulisan, na nagpakumbaba na nagsabi kay Hesus, “Alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Ito lang ang hiningi ng isang makasalanan, na alalahanin siya. At dahil nakita ni Hesus ang kanyang pagpakumbaba siya ay hinatulan at pinangakuan na dadalhin siya ni Hesus sa Paraiso.
Magpakumbaba tayo para tunay natin mahalin at paglingkuran ang ating tunay ng Hari. Hari na puno ng pag-ibig sa atin. Nawa’y ang ating pag-ibig kay Kristo magbigay sigla sa paglilingkod sa ating kapwa. Dahil ang pag-ibig sa Diyos na may gawa ay maghatid sa atin sa kanyang Kaharian.
Father Jay Flandez SVD