Pangungulit sa Diyos sa panalangin  

Pangungulit sa Diyos sa panalangin  

May nagsabi na ba sayo na makulit ka? At di ka papayag hanggat di mo makuha ang gusto mo? Makulit o pagiging persistent sa mga bagay na gusto sa buhay. Sa Ebanghelyo, tayo ay tinatawag ni Hesus na maging makukit sa ating buhay panalangin. Pero hindi lamang ito para sa hinihingi natin sa Diyos. Ang pangungulit natin sa panalangin ay pagpapakita at pagdama na malapit tayo sa Diyos. Sabi ni Hesus tayo ay “manalanging lagi at huwag manghinawa”. Ibig sabihin tuloy lang tayo sa panalangin at huwag tamarin. Tuloy lang tayo sa pagdarasal at huwag pang hinaan ng loob. 

Ang magdasal ay pagkilala sa Diyos na sya ang pinagmumulan ng lahat. At sa ating dasal at kahilingan mahalaga na maging mababa ang ating loob at mag- tiwala sa kabutihan ng Diyos. Okay naman kulitin si Lord,basta huwag lang natin syang madaliin. Anuman ang hiling natin at pakiusap sa kanya, mag tiwala lang tayo. Sige lang, pray lang tayo at huwag titigil araw araw na magdasal. Ibibigay nya at tutugunan ang ating panalangin ayon sa kanyang kalooban. Kelan kaya sasagutin ni Lord ang prayers natin? Maaaring bukas, o makalawa or sa susunod na araw. Pagdating ng tamang panahon na ipagkakaloob nya. Katulad ng babae sa Ebanghelyo, sige lang, huwag tumigil magdasal. At sa bawat panalangin, magtiwala tayo sa Diyos at sa kanyang pagmamahal. Lahat ay kanyang ibibigay ayon sa kanyang kalooban at tapat na pagmamahal sa atin. 

Magdasal. Makinig. Magtiwala at maghintay. Alam ng Diyos ang mabuti sa atin at hindi nya tayo pababayaan.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________