Relax ka lang at huwag maligalig

Relax ka lang at huwag maligalig


 

Ano ba ang tamang panalangin? Karamihan sa atin ay nahihirapan sa pagdadasal. Maraming nagtatanong kung ano ba tamang pagdadasal, ano ba dapat ang bigkasin o sabihin o gawin sa pagdadasal. Tulad ng mga alagad ni Hesus sila rin ay nahihirapan at sila’y lumapit kay Hesus at ang tanong ay, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin.”

Ang una sa panalangin ay ang ating pagtanggap sa kalooban ng Ama.  Ang tugon ni Hesus sa tanong ng kanyang mga alagad ay; “Kung kayo’y manalangin, ganito ang sabihin ninyo: Ama, sambahin nawa ang ngalan mo. Magsimula na sana ang iyong paghahari.” Ang pagtanggap sa kalooban ng Diyos ay ang unang bahagi sa panalangin. Ibig sabihin ang panalangin ay ang pagsuko sa ating sarili upang ating masundan ang gusto ng Diyos sa buhay natin. Haayan natin ang hahawakan ng Diyos ang ating buhay. Ang Diyos ang mag-gabay sa ating buhay upang maghari Sy’a sa ating pamumuhay. 

Hindi ang sariling kagustohan ang masunod kundi ang kalooban ng Diyos sa ating buhay. Walang milagro sa buhay natin kung hindi natin ibigay ang ating buhay sa Diyos. At ang turo ni Hesus sa kanyang mga alagad na maghari nawa ang kaharian ng Diyos. Hindi ang kaharian sa mundong ito.

Ang tumanggap ng Sakramento ng Binyag at sumunod kay Kristo may misyon na ipalaganap ang kaharian ng Diyos sa ating pamilya, sa ating pamayanan at lipunan. Dahil ang turo ni Hesus sa kanyang mga alagad; “magsimula na sana ang iyong paghahari.” Paano magsisimula? Sa pamamagitan ng ating pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Ang pagiging saksi sa iyong pangako sa binyag.

Sa panalangin dapat tayo ay magtiwala sa Panginoon. Ibigay ng Diyos ang bagay na maghatid sa atin sa kaligtasan. “Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit!” Ipagkaloob ng Diyos ang inyong hinihingi kung ito ay maghatid sa iyong kaligtasan. Magtiwala tayo sa kanya dahil hindi tayo pababayaan ng Diyos sa ating paglalakbay.

Ang panalangin ay ang pag-aalay ng sarili sa Diyos upang ang kanyang kaharian ay maghari sa ating buhay at magtiwala tayo sa kanya na hindi N’ya tayo pababayaan sa ating pangangailangan dahil S’ya ang ating Amang mapagmahal at mapagbigay. 

 

Father Jay Flandez SVD

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


___________________________________________________________________________