
Samantalang naglalakad sila, may taong nagsabi kay Hesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Hesus, “May lungga ang asong gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matuluyan o mapagpahingahan.” (Lc, 9: 57-58).
Bilang tumanggap ng Sakramento ng Binyag, tayo ay tinawag na sumunod kay Hesus. Hindi lamang naging kasapi tayo ng Simbahan o naging Kristiyano tayo. Tayo ay may pangunahing tungkulin na sundin si Hesus. At ang pagsunod kay Hesus ay hindi madali. Sinabi ni Hesus sa taong nagsabi sa kanya, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Ano ang tugon ni Hesus sa kanya, “May lungga ang asong gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matuluyan o mapagpahingahan.” Ibig sabihin pag sumunod tayo kay Hesus ay hindi madali. Tayo bilang tumanggap ng binyag ay dapat maging “propeta” sa ating panahon.
Ang isang propeta ay nagsasabi ng katotohanan at nagsasabuhay sa katotohanan. Tulad ni Hesus, Siya ay pinahirapan sa mga taga Samaritano dahil ang destinasyon N’ya ay sa Jerusalem. Galit na galit ang kanyang mga alagad na hindi sila pwede dumanaan sa Samaria. Ang sabi ng kanyang alagad; “Panginoon payag ba kayong magpababa kami ng apoy mula sa langit upang pugnawin sila?.” Pero sabi ni Hesus sa kanila; “Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang sumasainyo.” Ang isang tunay na propeta ay hindi ang sariling emosyon ang pinairal kundi ang kalooban ng Diyos.
May mga panahon ng humarap tayo ng pagsubok sa buhay, problema sa ating pamilya, sa ating pamayanan. May mga tao tayong nakabangga at pinapahirapan tayo. At ito ang paalala ni Hesus sa atin na “may lungga ang asong gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matuluyan o mapagpahingahan.” Hindi madali ang maging isang propeta o taga-sunod kay Kristo. May panahon na iiwanan ka ng mga kaibigan mo dahil ipinaglaban mo ang katotohanan at tama.
Bilang taga-sunod kay Kristo, handa tayo na magsakripisyo para sa Kaharian ng Diyos. Tinawag tayo ni Hesus upang sundin ang kanyang pamamaraan at kalooban. Tinawag tayo para sa pagbabago ng ating lipunan na maghari nawa si Kristo hindi ang kalooban ng tao.
Tumugon ka sa tawag ni Kristo.
Father Jay Flandez SVD