
Tayong mga Pinoy ay mahilig sa Fiesta o Pista. Depende sa ating debosyon, dinadayo natin ang mga simbahan pag araw ng kapistahan. Anduon tayo sa Baclaran sa pista ng Ina ng Laging Saklolo. Sa Quiapo naman sa pista ng Nazareno o kaya sa Manaoag o sa Antipolo at madami pang ibang pistahan ng mga santo o ng Mahal na Birheng Maria.
At syempre may mga handaan pa yan. Ito para sa atin ay pagpapahayag ng ating pananampalataya sa Diyos.
Sila Maria, Jose at Hesus ay meron ding taunang panata at spiritual tradition na sinusunod, ang pagbisita sa Templo sa Jerusalem para manalangin at mag alay. Dala nila si Hesus na noon ay 12 taong gulang lamang. Katulad nuong tayo ay bata pa eh isinasama tayo ng ating magulang sa pagdalo sa pista at pagtulos ng kandila sa mga simbahan at kapilya.
Katulad ni Hesus kailangan tayo sa bahay ng ating Ama para manalangin at magpuri sa Diyos.
Makinig ng Mabuting Balita. At katulad ni Maria “Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso.” Ingatan din natin sa ating mga puso ang Salita, ang Mabuting Balita. Sa gitna ng pandemya at takot at karamdaman na dulot nito sa ating mga pamilya, ipanatag natin ang ating mga puso at magtiwala sa Diyos. Sa ating pagkabalisa at pagaalala sa ating pamilya, sa ating mga anak na malayo o nawalay sa ating piling, sa Diyos tayo umasa at kumuha ng lakas upang tayoy patatagin.
O Panginoon, kami po ay tulungan mo, pagalingin ang mga may sakit, palakasin ang nanghihina, iligtas ang mga nasa bingit ng kamatayan at bigyan ng kapayapaan. Amen.
• Father Arnold Abelardo CMF