
Si Bartimeo ay isang bulag. Noong nalaman niya na dadaan si Hesus siya ay sumigaw; “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Ang tanong paano nalaman ni Bartimeo na si Hesus ay mula sa lipi ni David? Hindi naman siya nakakikita, pero nakarinig si Bartimeo. Karamihan sa mga taong may kapansanan ay nabubuhay lamang sa tulong ng ibang tao sa pamamagitan ng limos. Karamihan sa kanila ay nasa labas ng sinagoga o templo upang humihingi ng limos. Baka itong si Bartimeo ay nakikinig sa mga usap-usapan ng mga tao tungkol sa Mesiyas, at sa kanyang pakikinig nalaman niya na si Hesus ay ang Mesiyas mula sa lipi ni David. Hindi man nakakikita ang kanyang mga mata, nakikita sa kanyang pananampalataya na si Hesus ang kanyang pag-asa. Siya’y sumigaw; “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”
Ang nanampalataya kay Kristo ay nakakikita sa katotohan. Sa panahon natin ngayon marami ng mga maling inpormasyon, mga maling balita. At ito ay nagbibigay na kaguluhan at kalitohan ng ating mga kapananampalataya. Ang iba ay nawawala sa tunay na daan tungo sa kaharian, ang iba ay naliligaw ng daan lumipat ng ibang samahan. Ang ating pananampalataya ay nagbibigay liwanag upang makita natin ang katotohanan. Alam ni Bartimeo ang katotohanan at ito ay kanyang pinaglaban. Pinagsabihan man siya ng mga alagad, “tumahimik ka!” Hindi ito hadlang para patuloy niyang tawagin si Kristo ang katotohan at magpapagaling sa kanya. “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”
Ang tunay na pananampalataya ay hindi nanghihina sa mga pagsubok sa buhay o pag-uusig ng ibang tao. Dahil kung tayo ay may tiwala kay Kristo hindi ka N’ya bibiguin. Tulad ni Bartimeo, hindi siya binigo ni Kristo. Noong nakita ni Kristo ang matibay na pananampalataya ni Bartimeo, sabi ni Hesus sa kanya; “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.”
Hindi natin makikita si Kristo sa ating paglalakbay kung hindi matibay ang ating pananampalataya sa kanya. Sa panahon na tayo ay may mga suliranin sa buhay, pakiramadam natin wala na si Kristo sa ating paglalakbay, akala natin wala na tayong pag-asa sa buhay. Huwag kang mawalan ng pag-asa, tularan natin si Bartimeo, na umaasa kay Hesus ang ating tagapag-ligtas at nagbibigay liwanag sa ating buhay. Si Kristo ang ating liwanag ng ating buhay. Ang kanyang Banal na Salita ay nagbibigay liwanag sa ating paglalakbay tungo sa kanyang kaharian.
Kung ikaw ay nasa kadiliman lapitan mo si Hesus, sa pamamagitan ng pagbabasa at pagninilay ng kanyang salita upang makamtan natin ang liwanag sa ating buhay. Hindi bulag ang nananampalataya kay Kristo, nakikita n’ya ang katotohan at itong magbibigay ng kanyang kalayaan.
Father Jay Flandez SVD