Kapatiran hindi palakasan!

Kapatiran hindi palakasan!

Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?.”(Jn. 6:5). Naawa ang Panginoon noong nakita ang mga tao na sumunod sa kanya. Para bang gusto ng mga tao na makasama palagi nila ang Panginoon. Iniwanan ang kanilang mga trabaho para lang mapakinggan ang turo ni Hesus. At dahil pagod at gutom na ang mga tao, gusto ni Hesus na sila’y makakain. Inutusan N’ya si Felipe upang maghanap ng pagkain para sa mga tao. Tandaan natin mahigit limanglibong tao ang pakakainin. Ito nga ang sagot ni Felipe kay Hesus; “Kahit na po halagang dalawangdaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.” (Jn. 6:7).

Paano ito?

“Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?” (Jn. 6: 9). 

Kung marunong tayo magbahagi para sa kapwa gagawa ang Diyos ng himala. Kung ang limang tinapay at dalawang isda ay hindi ibinahagi walang milagro ang mangyari. Ginawa ni Hesus ang milagro dahil may batang nagtitiwala sa kanya. Sa tingin ko, ang batang lalaki ay naghahanda sa pagsunod at pagsama kay Hesus. Maraming baon ang dinala para matagal-tagal ang pagsasama niya kay Hesus. At bakit ibinigay ng bata ang kanyang mga baon? Dahil natuto ang bata sa mga aral ni Hesus. Hindi inuna ang kanyang sarili, kundi ang iba. Masa-yang ibinigay ng bata ang kanyang baon para sa iba. Pagbabahagi at pagmamahal sa kapwa.

Kung ang kapatiran ang maghari sa ating buhay walang maiiwanan, walang magugutom dahil handa tayong magbigay para sa ating kapwa. Ito ang gusto ni Hesus; na ang diwa ng kapatiran ay mangu-
na sa ating buhay. Lalong-lalo na sa panahon ng pandemya. Marami sa ating mga kapatid na nawalan na ng trabaho. Wala ng maipapakain sa kani-kanilang pamilya. Sa panahon ng pangangailangan huwag natin gamitin ang palakasan dahil kung ang palakasan ang umiral sa buhay natin hindi gagawa ng kababalaghan si Kristo. Kung gusto mo ng milagro sa buhay mo, magbigay ka sa kapwa at magtiwala ka na hindi ka pababayan ni Kristo. Tulad sa ating ebanghelyo dahil sa pag-alay at handang pagbibigay ng kanyang tinapay at isda, ang mga tao ay pinagpala. 

Ang Kristiyano ay nagtitiwala kay Kristo, na S’ya ay gagawa ng himala kung tayo ay nagmamahalan, nagtutulungan, at nagsasabuhay sa diwa ng kapatiran hindi palakasan.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________