Pagbabago para kay Kristo!

Pagbabago para kay Kristo!

Ang Kuwaresma ay panahon upang ating pagnilayan ang ating buhay bilang Kristiyano  at ang buhay ni Kristo, ang kanyang pagmamahal sa sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit sa krus. Hindi natin maitama ang buhay natin kung wala si Kristo sa ating pamumuhay. Kay Kristo lamang natin makamtan ang pagbabago ng ating buhay para matamasa natin ang masagana at tunay na buhay. 

Noong nakita at nasaksihan nila Pedro ang pagbabagong anyo ni Hesus, sila’y tuwang-tuwa at ayaw nang umalis sa bundok na iyon. Sabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” (Mc.9:5). Pagkatapos nito sila ay pupunta ng Jerusalem, at doon si Hesus ay haharap sa kanyang misyon ang pagpapako sa krus para sa ating kaligtasan. Hindi pa naintindihan nila Pedro ang layunin ni Hesus ang pagligtas ng sanlibutan sa pamamagitan ng pag-alay ng kanyang buhay para sa atin. Sa pamamagitan ng krus mababago ang pananaw ng mga alagad, na ang tunay na alagad ni Kristo ay handang harapin ang sakrispisyo upang makamtan ang tunay na pagkatao. 

Ang mga pagsubok sa buhay natin ay daan upang magbago tayo sa ating pamumuhay. Walang pagsubok na hindi maghatid sa atin ng pagbabago. At sa ating mga pagsubok sa buhay hindi tayo pinababayaan ni Kristo. Huwag mong isipin na pag may problema ka ay nakalimutan ka na N’ya. Hindi kailanman makalimot si Kristo sa iyo. 

Habang nagbago ng anyo ni Kristo may tinig silang narinig at ang sabi, “ito ang minamahal kong Anak, pakinggan ninyo siya!” Minamahal na Anak si Hesus, dahil sa kanyang pagmamahal sa Ama. Handang ibigay ni Kristo ang buhay para sundin ang kalooban ng Amang nasa langit. Ibinigay at nagsakripisyo si Hesus para sa ating kaligtasan. Hindi na dapat S’yang maghirap, ipako sa krus para sa ating kaligtasan, pero dahil sa pagmamahal ng Ama ibinigay Niya ang kanyang bugtong na anak para sa ating kaligtasan. 

Ang pagmamahal ay handang magsakripisyo para sundin ang kalooban ng Diyos. Ang pagmamahal ay handang magbago at mag-alay ng buhay para sa ikapupuri ng Diyos. Ito ang tawag ng panahon ng Kuwaresma ang pagbabago para kay Kristo. Si Kristo ang nagligtas sa atin at dapat lang na suklian ang pagmamahal N’ya sa atin sa pamamagitan ng ating pagbabago at pagsunod kay Kristo. Paano ba natin mahalin si Kristo? 

Ang pagtalikod sa mga kasalanan, ang pagmamahal sa kapwa at pag-alay ng buhay at paglilingkod ay pagpapakita na mahal natin si Kristo.

Ang pagmamahal ay nagbibigay lakas at inspirasyon upang magbago at mamuhay na kaayaaya para kay Kristo.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________