Pamilyang huwaran!

Pamilyang huwaran!

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak. Kakaiba ang kapistahan natin ngayon dahil ang buong pamilya ay mga banal. Karaniwan ipinagdiriwang lang natin ang kapistahan ng isang Banal na tao o Santo. Pero sa Linggong ito, ay buong pamilya ang banal. Hinihikayat tayo ng ating Simbahan na ang misyon ng bawat pamilya ay ang pagpapabanal ng miyembro o kasapi nito. Ito ang hamon sa ating panahon ngayon. Dahil sa “migration” maraming mga pamilya na nagkakahiwalay sa kanilang pagsasama at tungkulin bilang Ama at Ina dahil malayo sa isa’t isa. Parang ‘on-line parenting’ na rin ang ginagawa nila dahil nagtratrabaho ang mga magulang sa malayong lugar. 

Malayo man tayo, mga OFW (Overseas Filipino Worker), sa ating pamilya, ilapit natin ang ating sarili, ang ating pamilya kay Kristo. Kung malapit tayo sa Diyos, kung naka-sentro ang Diyos sa ating buhay at pamilya natin, ito ay magdala sa atin ng kabanalan. Sinabi sa ebanghelyo sa Linggong ito; “…dinala si Hesus ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon…” Ito rin ang tungkulin ng mga magulang, na ilapit ang mga anak sa Panginoon. I-“encourage” ang mga anak ninyo na palaging magsimba at magdasal. Dahil ang misyon natin ngayon bilang bahagi ng Simbahan ay ang pagpapabanal ng ating pamilya. Nawa’y ang pamilya mo ay maging tulad sa Banal na Mag-anak, sina Maria, Jose at Hesus, maging huwaran sa iba. 

“Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil, at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”  Ito ang propesiya ni Simeon, na ang batang Hesus ay magbibigay liwanag sa mga taong nasa kadiliman. Si Hesus ang nagbigay daan para ang mga Hentil ay magkamit ng kaligtasan. 

Meron isang kababayan natin dito sa Hongkong na nakausap ko. Ipinagmalaki niya ang trabaho niya na bilang household worker, sabi niya, “Father, dahil sa akin, naahon ko ang aking mga magulang sa kahirapan, at natulungan ko ang mga kapatid ko sa kanilang pag-aaral. Yun nga lang Father, matandang dalaga na ako. Binuhos ko ang aking oras, lakas, pera sa pamilya para makaahon kami sa kahirapan. At pakiusap ko lang sa kanila nawa’y hindi nila makalimutan ang Panginoon na naging mabait sa akin.” Itong kapatid natin ay naging liwanag, nagbibigay pag-asa sa kanyang pamilya. At ang tunay na pag-asa at liwanag natin ay si Kristo. Sabay sa pag-ahon natin sa kahirapan huwag natin kalimutang magpasalamat kay Kristo. Dahil kay Kristo aahon ang buhay natin hindi lamang sa bagay na panalapi kundi sa buhay pananampalataya. 

Ang banal na mag-anak ay ating gabay sa ating paglalakbay tungo sa buhay kabanalan.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________