
Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.”
Ilang araw na lang at Pasko na. Kasama ni Maria, tayo ay magalak sa mensahe ng anghel ng Diyos. Ang kaligtasan na pangako sa atin. Si Hesus, Si Emmanuel na ang ibig sabihin ay “Sumasaatin ang Diyos”. Kagalakan ang dalang salita ng Anghel kay Maria. Si Hesus ay ipaglilihi nya mula sa Espiritu ng Diyos. Ang Pasko ay nakaugat sa mensahe ng Pagliligtas at Pagmamahal.
Ang pagtanggap ni Maria sa mensahe ng Anghel ay pagpapakita ng kanyang pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos. Simple at tapat ang sagot ni Maria sa Anghel, “Ako’y alipin ng Diyos al mangyari nawa sa akin ang sinabi mo.” Nagpahayag si Maria ng pagmamahal sa Diyos. Naging bukas sya sa paanyaya ng Diyos. Tunay nga na bukod na pinagpala sya sa babaeng lahat at pinagpala ang nasa kanyang sinapupunan, si Hesus.
Ngayong Pasko maging bukas nawa tayo sa Salita ng Diyos. Maging bukas palad tayo sa mga nangangailangan. Maging bukas na magmahalan, magmalasakit at magpatawad.
Maging handa tayo na sumunod sa kalooban ng Panginoon. At katulad ni Inang Maria, magtiwala tayo sa pagmamahal ng Diyos. Dahil walang imposible sa ating Panginoon. Nawa’y manahan si Hesus sa ating mga puso, sa ating pamilya at tahanan.
Mapuno nawa ng galak at kagawa ang ating mga puso at iligtas tayo ng Diyos sa anumang karamdaman. Maligayang Pasko at mapagpalang Bagong Taon sa ating lahat.
• Father Arnold Abelardo CMF