
Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.” ( Mt. 25:44).
Papalapit na po ang pagtatapos ng ating “liturgical year.” Kung ating napapansin ang ating mga pagbasa dito ay tungkol sa pagdating ng ating Panginoon. Hindi natin alam ang oras o araw ng pagdating ni Hesus, at ito ang hamon sa atin na palagi tayong handa sa kanyang pagdating.
Anong klaseng paghahanda?
Espiritwal na paghahanda. Una, sa pamamagitan ng pagtanggap sa sakramento ng kompisal. Bago matapos ang ating “liturgical year”, ito ay sa dakilang Kapistahan ng Kristong Hari, tumanggap tayo ng banal na sakramento ng kompisal. Tanggapin natin ang biyaya ng Diyos. Ang Diyos ay mapagmahal at mapagpatawad. Huwag kang matakot na lumapit sa kanya.
Sa ating ebanghelyo ang mga dalaga ay naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal. Noong dumating na ang lalaking ikakasal, sila ay dali-daling gumising at sinamahan ang lalaking ikakasal. Ngunit ang limang dalaga ay hindi nakahanda, kakaunti na lang kanilang langis. Sabi ng limang dalaga sa kanilang kasamahan, “Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming ilawan.” Baka hindi magkasiya ito sa ating lahat, ‘tugon ng matalino.’ Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo.” Ngunit sa pag-alis nila dumating ang lalaking ikakasal, at ang nakahanda ay nakapasok sa kasalan.
Kung handa tayo lagi hindi tayo matatakot kung anong oras o araw dumating si Hesus.
Ikalawa ay ang pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Ang ating pananampalataya ay liwanag sa ating paglalakbay. Kung ang ating pananampalataya ay buhay sa pamamagitan ng pagsamba sa Diyos, panalangin, paglilingkod sa kapwa, ito ang magbigay liwanag sa kadiliman. Tinawag tayo na maging ilaw, o liwanag sa ating kapwa. Marami tayong mga kapatid na namuhay sa kadiliman at sa pamamagitan ng ating pananampalataya nawa’y maakay natin sila tungo sa tunay na liwanag na si Kristo. Ang ating liwanag o pananampalataya ay hindi lamang para sa ating paglalakbay, ito ay para din sa iba lalong lalo na yung nawala sa daan tungo sa kaharian ng Diyos.
Ikatlong paghahanda, ay ang paggawa ng mabuti sa kapwa at sa kalikasan. Masarap na makilala at maalala ka ng mga tao dahil sa mabubuting ginawa mo. Ang buhay natin dito sa mundo ay isang maikling paglalakbay. Sa sandaling paglalakbay nawa’y gumawa tayo ng kabutihan sa ating kapwa. Maging tapat sa Diyos, sa ating pamilya, at sa ating kapwa. Kung tayo ay laging tapat, ito ang magandang pahahanda sa pagdating ng Diyos. Tapat ang Diyos sa kanyang pangako, at siya ay babalik sa wakas ng panahon. At dahil hindi natin alam ang kanyang pagdating dapat lagi tayong handa.
Handa ka na ba?
As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:
https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033
• Father Jay Flandez SVD