
Lumapit si Pedro kay Hesus at nagtanong sa kanya, “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito ba? Sinagot siya ni Hesus, ‘Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito.” (Mt. 18-21-22).
Ang tunay na Kristiyano o tagasunod ni Kristo ay handang magpatawad sa kapwa. Hindi madali ang magpatawad, lalong lalo na pag ikaw ay nasaktan ng labis. Ang pagpapatawad ay ang pagsunod sa kautusan ni Kristo. Kung hindi tayo magpatawad ibig sabihin hindi natin sinunod ang utos ni Kristo, sinunod natin ang ating sarili, ang ating galit at poot. Ito ang sabi ng Panginoon sa kanyang mga alagad kung ibig kayong sumunod sa akin limutin mo ang iyong sarili at pasanin ang krus. Ang pagpapatawad ay ang paglimot sa sarili, upang makasunod tayo sa utos ni Kristo.
Tayo ay pinatawad na ni Kristo. Sa kanyang pagpapakasakit at pagpako sa krus tayo ay binigyan ng bagong pag-asa na mamuhay na puno ng kapayapaan para umunlad ating pamumuhay. Kung ikaw ay nasaktan patawarin mo na s’ya, dahil ang hindi pagpapatawad ay ang pagtalikod sa ginawa ni Kristo para sa atin, ang kanyang sakripisyo sa krus. Para bang binalewala mo ang sakripisyo sa krus ni Kristo. Magpatawad ka dahil hadlang sa ating pamumuhay ang galit at poot sa puso natin. Hindi natin makakamit ang kasaganaan ng buhay kung walang kapayapaan sa puso natin.
Sa parabola ang mayamang hindi nagpatawad sa kanyang kapwa ay pinarusahan ng Hari. Ito ang sabi ng Hari; “Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?” (Mt. 18:32-33). Tayo ay pinatawad na ni Kristo sa ating mga kasalanan at dapat din tayong magpatawad sa ating kapwa. Hindi tayo papatawarin ni Hesus sa ating mga kasalanan kung tayo ay hindi magpatawad sa ating kapwa.
Magpatawad ka dahil ikaw ay pinatawad na ni Hesus. Ang pagpapatawad sa kapwa ay isang pasasalamat kay Kristo. Malaki ang ating kasalanan sa kanya, at maliit lamang ang kasalanan ng ating kapwa sa atin. Isang dahilan bakit hindi natin sila mapatawad ay dahil sa ating sobra at labis na pagpapahalaga sa ating sarili, “pride”. Tandaan natin ang sinabi ni Hesus; kung ibig nating sumunod sa kanya ay limutin ang sarili, pasanin ang krus at sumunod kay Kristo.
Magpatawad ka, dahil pinatawad ka na ni Kristo!
• Father Jay Flandez SVD