
Ngunit agad siyang nagsalita at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot; si Hesus ito! At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. (Mt. 14:27-29).
Sa kabila ng pagsubok o “bagyo” sa ating buhay nandyan si Hesus handang sumagip sa atin. Ang problema o ang pagsubok sa ating buhay, ay isang pagkakataon na maranasan natin ang himala o presensya ng Panginoon. Kung hindi sinasalpok ng alon ang bangka na sinasakyan ng mga alagad, hindi nila makikita ang himala ni Hesus. Si Hesus ay lumakad sa ibabaw ng tubig. At dahil dito ang mga alagad aynatakot, sabi nila “Multo”. At sabi ni Hesus sa kanila “huwag kayong matakot, si Hesus ito.”
Ang paglakad ni Hesus sa ibabaw ng tubig ay pagpapakita na si Hesus ay Diyos. Ang sabi ng mga alagad, “Tunay na kayo ang Anak ng Diyos.” Kung ang buhay mo ay sinalpok ng alon ng problema, alon ng pagsubok sa buhay magtiwala ka kay Hesus. Tulad ng mga alagad hindi N’ya tayo pababayaan. Handang-handa si Hesus na sumagip sa buhay natin dahil S’ya ang nagbibigay ng kapayapaan at kasaganaan.
Noon nalaman ni Pedro na si Hesus ay lumalakad sa ibabaw ng tubig, sabi niya kay Hesus; “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa
ibabaw ng tubig.” Sumagot si Hesus, “Halika.” Ang paglakad ni Pedro sa ibabaw ng tubig ay magandang simbolo. Si Hesus ay Diyos, at ang pag-anyaya ni Hesus kay Pedro na lumakad sa ibabaw ng tubig, ay paanyaya na pamumuhay ng kabanalan tulad ni Kristo. Ang ating pagsunod kay Hesus ay parang paglalakad sa ibabaw ng tubig. Sa ating paglalakbay dapat naka focus tayo kay Hesus hindi sa alon ng ating buhay. Noong lumakas ang alon ang mata ni Pedro ay nasa malaking alon, hindi kay Kristo, at siya ay natakot at nagsimulang lumubog.
Kung ang problema mo ay parang alon ng dagat huwag mong hayaan na ang mga mata at puso mo ay naka-focus sa mga ito.
I-focus natin ang ating mata at puso kay Kristo. Dahil handa S’yang sagipin tayo. Sumigaw si Pedro, “Sagipin ninyo ako Panginoon!” At agad siyang sinagip ni Kristo.
Sa ating paglalakbay sa mundong ito, tayo ay nakakaranas ng iba’t ibang pagsubok sa buhay. Kung darating man ito sa ating paglalakbay tandaan natin, na ito ay isang pagkakataon na maranasan natin ang himala at tulong ng Diyos.
Huwag lang natin hayaan na malugmok ang ating pananampalataya dahil sa problema. I-focus natin ang ating tiwala kay Kristo. Lahat ng pagsubok sa buhay natin ay malalampasan natin kung tayo ay tumawag at magtiwala sa himala ni Kristo.
As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:
https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033
● Father Jay Flandez SVD