
Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki at babae na higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.” (Mt. 10:37-39).
Hindi madali kung tayo’y sumunod kay Kristo. Ang tunay na alagad ay handang magsakripisyo at limutin ang kanyang sarili para lamang kay Kristo. Ang pagsunod kay Kristo ay ang paglimot sa sarili para ibigin ang kay Kristo. Kung ang ating sarili ay mas mahalaga kay Kristo hindi tayo karapat-dapat sa kanyang kaharian. At hindi maghahari ang Diyos sa buhay natin kung tayo ay makasarili. Walang Diyos sa mga taong makasarili. Ito ang hamon ni Hesus sa atin bilang mga binyagan.
Mahalaga ang ating pamilya. Nangibang-bayan tayo dahil mahalaga at mahal natin ang ating pamilya. Nagsakripisyo tayo para sa ating pamilya. At ang sabi ni Hesus; “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” Paano yan? Tama at dapat lang na ibigin at paglingkuran natin ang ating mga mahal sa buhay. Ang ibig sabihin ni Hesus, na ang pag-ibig natin sa ating pamilya ay magdala sa atin ng ating kaligtasan. Kung ang pag-ibig sa ating pamilya ay hindi naka sentro kay Kristo, hindi ito magdala sa atin ng kaligtasan. May mga tao na sobrang pag-ibig sa kanilang pamilya na gumagawa sila ng mga bagay na labag at salungat sa batas ng Diyos at tao. Dahil sa sobrang pag-ibig sa kanilang pamilya sila’y nagnakaw, nandaya sa kapwa, nagbebenta ng mga bawal para lang suportahan ang pamilya. Hindi ito ang tunay na pag-ibig, dahil ang tunay na pag-ibig na galing kay Kristo ay handang magtiis at magsakripisyo para sa katotohan.
Ito ang ibig sabihin ni Hesus, na kung mas mahal natin ang ating pamilya kay sa kanya hindi mapabanal ang ating pamumuhay. Alam ng Diyos ang ating mga pangangailangan para sa pamilya, kung mahal natin ang Diyos magtiwala tayo sa kanya at hindi tayo gagawa ng labag sa kanyang kalooban.
Bilang binyagan at alagad ni Kristo, uunahin natin siya. Maging ganap at tunay tayong mga alagad ni Kristo kung ating siyang mahalin at paglingkuran. Hindi ibig sabihin na wala na tayong pakialam sa ating pamilya at kapwa. Dapat ang ating pag-ibig kay Kristo ay puno ng pagtitiwala sa kanya. Ang pag-ibig ay hindi makasarili. Sa 1 Corinto 13:7 sinabi; “Ang pag-ibig ay mapag-bata, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.” Ang Kristiyanong pag-ibig ay handang limutin ang sarili para sa kaharian ng Diyos. Ito ang sinabi ni Hesus; “Ang nag-iingat sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.” Ang tunay na pag-ibig ay hindi makasarili, handang ibigay ang sarili para sa kapwa, handang magsakripisyo para sa iba. Ito ang katangian ng tunay na Kristiyano.
At ang pangako ni Hesus sa mga taong may tunay na pag-ibig ay ang kanyang kaharian na walang katapusan. Ang langit para lamang sa mga taong marunong umibig at handang magsakripisyo para sa Diyos at sa kapwa.
• Father Jay Flandez SVD