
Sinabi ni Hesus sa mga tao: ‘Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking katawan.” (Jn.6:51).
Ang pagkain ay mahalaga sa ating pamumuhay. Maraming mga tao na nangibang bayan upang makahanap ng trabaho para sa kanilang pamilya, para masuportahan ang kanilang pang araw-araw na pamumuhay. At sa panahon ng epidemya marami sa ating mga kababayan na nawalan ng trabaho, at ang kanilang pamilya ay nahihirapan kung papaano malampasan ang ganitong sitwasyon. Ang pagkain ay mahalaga, hindi tayo mabubuhay kung walang pagkain.
Pero meron ibang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ito ang katawan ni Kristo. Si Hesus mismo ang nagsabi, “Ako ang pagkaing nagbibigay buhay na bumaba mula sa langit.” Ang pagkaing ito ay mula sa langit. Kung ito ay mula sa langit, ang kumakain nito ay marating din sa langit. Ito ang sinabi ni Hesus, “Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito.” Gusto mo bang magkaroon ng buhay na walang hanggang? Tanggapin natin si Kristo sa Eukaristiya. Ito ang pangako ni Hesus na magkaroon ng buhay na walang hanggang ang kumain sa kanyang katawan.
Paano? Sa pamamagitan ng pagdalo ng Banal na Misa at pagtanggap ng kanyang banal na katawan. Ang pagtanggap ng katawan ni Kristo ay may hamon sa buhay natin. Hindi lang tayo tanggap ng tanggap sa kanyang katawan na hindi nagbabago ang buhay natin. Dapat karapat-dapat tayo tumanggap sa kanyang katawan.
Ugaliin natin na tumanggap ng Sakramento ng Kompisal. Kung tayo ay dumalo ng Banal na Misa dapat malinis ang puso natin upang tunay ang ating pagsamba sa Diyos at upang karapat-dapat tayong tumanggap ng kanyang banal na katawan.
Bilang mga binyagan tayo ay naging katawan ni Kristo. Si Kristo ang pangulo at ulo ng katawan, ang Simbahan. Sabi ni Hesus, “at ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking katawan.” Ibig sabihin, tayo bilang mga binyagan, na katawan ni Kristo ay magbibigay buhay sa sanlibutan. Ang pagtanggap ng Eukaristiya ay may hamon sa atin bilang binyagan, na tayo ay magbibigay buhay sa sanlibutan.
At bilang katawan ni Kristo, na Simbahan, na tumanggap sa katawan ni Kristo, tayo ay handang mag misyon para sa sanlibutan. Hindi maging ganap ang pangtanggap natin sa Eukaristiya kung hindi tayo magbibigay buhay sa ating kapwa.
Sa banal na misa tinanggap natin ang katawan ni Kristo, at ito ang ating lakas bilang katawan ni Kristo, bilang Simbahan, na magmisyon para bigyan ng buhay ang sanlibutan!
• Father Jay Flandez SVD