Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laki ng tuwa, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon. (Mt. 13:44).
Ang Ebanghelyo sa Linggong ito, ay nagpa-alaala sa akin sa kwento ni Zaqueo, isang mayaman na gustong makita si Hesus. Siya’y umakyat sa isang puno upang masilayan man lamang ang pagdaan ni Hesus sa lugar na iyon. At noong nakita ni Hesus si Zaqueo, sinabi ni Hesus sa kanya, “bumaba ka Zaqueo dahil sa araw na ito, sa iyong bahay ako mananatili” At doon natuklasan ni Zaqueo na ang tunay na kayaman ay ang pagpakipagsundo kay Hesus. Nagbago ang pananaw ni Zaqueo. Noong ang pera ang kanyang kayamanan, ngayon si Kristo na ang kanyang kayamanan. Pinatunayan ni Zaqueo ang kanyang pagsisi at pagbabago sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan.
“Nagpahayag si Zaqueo ng pagbabago sa pamamagitan ng pagbibigay ng kalahati ng kanyang kayamanan sa mahihirap at pagsasauli ng apat na beses sa mga nadaya niya. Tugon ni Jesus, dumating ang kaligtasan sa kanyang sambahayan dahil siya ay anak ni Abraham, binibigyang-diin na ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang mga naligaw.” (Lc. 19:8-10).
Handang magsakripisyo si Zaqueo sa kanyang kayamanan na ipamigay sa mga dukha dahil natuklasan ni Zaqueo, na ang tunay na kayamanan ay si Kristo, ang ating kaligtasan. Alam ni Zaqueo, na ang kanyang kayamanan ay hindi magbigay ng kanyang kaligtasan. Hindi masama na mangarap na yumaman. Pangarapin mong yumaman at gamitin mo ang iyong kayamanan upang paglingkuran ang Panginoon, sa pamamagitan ng pagtulong sa mga dukha.
Ang paglilingkod sa ating kapwa ay isang kayamanan. May kasabihan; “mahirap sa pera, pero mayaman sa paglilingkod sa kapwa.” Ang paglilingkod ay isang kayamanan. Kayamanan na maghatid sa ating kabanalan, kayamanan upang ating makamtan ang kaligtasan.
Nawa’y matuklasan mo ang tunay na kayamanan sa iyong buhay.
Father Jay Flandez SVD









