Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao

Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao

Sa panahon ng Kwaresma ng pag aayuno at pananalangin, ano ba ang paanyaya sa atin ni Hesus? 

Ang sabi ng Panginoon “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.’” Tayo ay inaaya ni Hesus sa tuwid na daan. Ang magtiwala na “God will provide”. Sya ang magkakaloob ng ating pangangai-langan. Tiwala lang. Kailangan nating labanan ang panunukso ng dyablo. At si Hesus ay nagbigay sa atin ng halimbawa. Ang manalangin at sumamba sa Diyos na totoo. Hindi natin mahaharap ang tukso ng buhay ng walang panalangin o buhay spiritual. Kailangan natin ang Diyos.  Di ba nga sa prayer ng Ama Namin, ang Diyos ang nagbibigay ng kakanin natin araw araw at sya din ang magpapalakas at mag aadya sa atin sa tukso at sa lahat ng masama.

Imagine mo si Hesus 40 araw na nag ayuno. Ibig sabihin wala syang kain kaya sobra gutom nya. At sa gitna ng kanyang kagutuman ay lumapit ang dyablo para tuksuhin sya ng pagkain, kayabangan at kapangyarihan. Ang lahat ng panunukso ng dyablo ay di tinanggap ni Hesus. Mas kumapit sya sa Salita ng Diyos at di sa salita ng dyablo. 

Sa ating buhay darating ang tukso sa relasyon, trabaho, pera at position at maging sa ating pamilya. Saan tayo huhugot ng lakas pag andyan ang tukso? Kay Hesus tayo kumapit. Dahil sa huli, hindi ang tinapay ang bubusog sa ating gutom at uhaw. Ang Diyos ang bubusog sa atin. Hindi din sariling kapangyarihan o yaman ang magliligtas sa atin. Pag ibig ng Diyos ang magliligtas sa atin. At syempre sabi nga ni Hesus “Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!” kasi alam ng Diyos ang lahat sa atin pati ang ating pangangailangan. Sabi nga ni Santo Padre Pio “Pray, Hope and don’t worry. Manalangin na may pagasa at huwag mag alala. Naway maging puno ng pagasa at pagtitiwala sa Diyos ang ating buhay. Ngayong panahon ng Kwaresma, mas makinig tayo sa Salita ng Diyos at hindi sa salita ng dyablo. Manalangin, Mag ayuno at magbahagi sa nangangailangan. Ang tukso laging andyan, kaya dapat lagi tayong handa sa panalangin. Kapit lang kay Lord. Hindi nya tayo pababayaan.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________