Ialay natin ang ating puso kay Hesus

Ialay natin ang ating puso kay Hesus

At itinalaga nila Maria at Jose ang kanilang anak na si Hesus sa Diyos. Bahagi ng ritual ay pagdadala sa bata sa templo at pagaalay ng ibon bilang bahagi ng sakripisyo at alay. 

Malapit at tapat sila Maria at Jose sa Panginoon at ang pananalangin at pagdalo sa templo ay bahagi ng kanilang buhay pananampalataya at panata. At sa templo may isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos. Nakaabang si Simeon sa Templo sa pagdating ni Hesus. Nakilala nya si Hesus na Tagapagligtas. Ang gandang isipin ang pagkalong o pagbuhat ni Simeon sa bata. Sarap ng pakiramdam nya na mahawakan si Hesus. 

At tayo naman sa bawat Misa  sa Templo o Simbahan, nakakalong at nabubuhat natin si Hesus sa bawat komunyon. Nadidinig natin si Hesus sa bawat pahayag ng Biblia. Kaya tara, samahan natin sila Maria at Jose sa pagpasok sa templo. 

At samahan natin si Simeon sa pagkarga kay Hesus. Italaga natin ang ating sarılı at buhay sa Diyos. Ialay natin ang ating mga puso katulad ni Maria. Magpasalamat tayo lagi sa Panginoon. Bukas lagi ang templo at simbahan para sa ating lahat.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________