
Nabinyagan na noon ang lahat ng tao, gayun din si Hesus. Nang siya’y nananalangin, nabuksan ang langit at bumaba sa kaniya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalu-lugdan.”(Lc.3:21-22).
Bakit kailangan pa ng Binyag? Buhay naman ako. Oonga, bakit ba mahalaga ang binyag. Mga kapatid ang binyag ay mahalaga upang maging anak tayo ng Diyos. Noong si Hesus ay nabinyagan ni Juan, nabuksan ang langit at may tinig, “ito ang minamahal kong Anak.”
Sa Binyag tayo ay nagiging mga anak ng Diyos. Ito ang dahilan na may karapatan tayo na tawagin natin S’ya, “Ama namin.” Sa Binyag naging bahagi tayo sa katawan ni Kristo. Tayo ang “extension” ni Kristo sa mundong ito.
Kung tayo ay extension ni Kristo sa mundong ito, tulad ni Kristo, may misyon din tayo. Ang lahat ng anak ng Diyos ay nagmimisyon para sa kaharian ng Diyos. Si Kristo ay pumarito upang hanguin tayo sa kadiliman, sa kasalanan. Ito ang kanyang misyon, nagbibigay buhay upang ating makamtan ang buhay na walang hanggan. Hindi maging ganap ang ating binyag kung hindi natin gampanan ang ating misyon.
Sa Binyag nilinis tayo sa ating kasalanan. Bakit may kasalanan ba ang bata? Tinanggal sa Binyag ang pagkahilig sa pagkakasala. Dahil sa Binyag ang ating katawan ay nagiging tahanan na ng Banal na Espiritu Santo. Hindi na natural sa isang binyagan ang gumawa ng kasalanan. Ang layunin natin bilang binyagan ay mamuhay sa kabanalan. Kung tayo ay nagkakamali lumapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal upang mapatawad tayo ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang piniling pari. Kung “regular” ang paglapit natin kay Kristo, sa sakramento ng kompisal, lalo natin makamtan ang pagpapala at grasya ng ating Panginoon.
Tayong tumanggap ng binyag ay nagiging anak ng Diyos at bilang mga anak ng Diyos, may misyon tayo na hanguin at tulungan ang mga nasa kadiliman. Sa ating paglalakbay bilang Simbahan na puno ng pag-asa, nawa’y ang ating Kristiyanong pamumuhay ay magbigay liwanag, pag-asa sa ating lipunan.
Ikaw ay anak ng Diyos, at mabubukasan ang pintuan sa langit, kung isasabuhay mo ang pangako mo sa binyag, na mamuhay ng kabanalan at misyon para sa ating Simbahan at lipunan.
Father Jay Flandez SVD