Panginoon ko at Diyos ko!

Tayong mga Pinoy ay takot sa multo kaya pagkatapos ng libing ng mahal sa buhay madalas eh sama sama tayo matulog sa isang kwarto. Kasi nga naiisip natin eh baka dumalaw ang kaluluwa ng namatay at magpakita, magpa ramdam o manggulat sa atin. Nakakatakot di ba? Pero si Hesus iba. Nagbilin talaga sya na sya ay magbabalik. At nagpakita nga si Hesus sa kanyang nga alagad. Pero ang pagpapakita nya eh di para manakot o manggulat kundi para magbigay ng lakas at pagasa sa kanyang mga alagad. 

Puno ng habag ang puso ni Hesus para sa kanyang mga alagad. Matapos syang mapako at mamatay sa Krus eh matindi ang takot at alalahanin ng mga alagad. Kaya sa gitna nila nagpakita si Hesus. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” Ito ang mensahe ni Hesus sa kanyang mga tagasunod, Kapayapaan. Sa gitna ng takot, pangamba at alalahanin sa buhay, kapayapaan ang hatid ni Hesus sa atin. Maaaring katulad ni Tomas eh meron tayong duda kaya para sa atin eh “to see is to believe” di ba. 

At katulad din ni Tomas maging bukas tayo sa pagkilala sa Panginoon.  

“Panginoon ko at Diyos ko!” Ito ang pag express ni Tomas sa kanyang pagkilala kay Hesus.
Pagtanggap sa gitna ng duda at takot. Siguradong alam ni Hesus ang pinagdadaanan ni Tomas at mga kasama nya. Ganon din sa atin. Minsan me duda tayo at takot. Kaya ang mahalaga, kapit lang kay Lord. Hanapin natin sya. Purihin natin sya “Panginoon ko at Diyos ko!” Alleluia. 

Si Hesus ay buhay at nakita natin sya sa Misa at nahawakan ang kanyang katawan at nadinig ang kanyang tinig sa Biblia.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________