May mga araw sa ating buhay na itinuturing nating pangkaraniwan lamang. Meron namang mga araw na tila ayaw nating dumating dahil sa pangamba o hindi kanais-nais na mangyayari. Subalit mayroong mga araw na tila kapanapanabik. Isang espesyal na araw, isang araw na batid nating tayo ay magiging masaya.
Maihahalintulad ito sa galak ng magsing-irog sa araw ng kanilang kasal, sa isang mag-aaral sa araw ng pagtatapos, sa isang pasyenteng lalabas na ng ospital, sa isang bata na magdiriwang ng kanyang kaarawan, sa mga inaanak pagda-ting ng Kapaskuhan, o kaya naman ay sa pagbabalik ng isang OFW na sa matagal na panahon ay hindi pa nakakabalik ng bansa, na sa pag-uwi ay muling masisilayan ang mga mahal sa buhay.
At sa mga tagasunod ng ating Panginoong Hesus, walang hihigit pa sa araw na kung saan ay tinupad niya ang kanyang tinuran na siya ay mabubuhay na mag-uli, at iyan ay ang araw ng kanyang muling pagkabuhay. Para sa kanila, ito ang araw na ginawa ng Panginoon. Marapat lamang na sila ay magalak at magsaya. Muli nating balikan at pagnilayan ang mga naganap nang dakilang araw na si Kristo ay nabuhay na mag-uli.
“Kinuha nila ang Panginoon.” Ito ang sinambit ni Maria Magdalena nang kanyang makita ang walang lamang libingan. Hindi pa marahil nababawian si Maria Magdalena sa kanyang nasaksihan na Kristong nagpasan ng Krus sa Kalbaryo, nagpakasakit at namatay sa krus.
Marahil ay wala pa siyang tulog, marahil ay ligalig pa rin ang kanyang puso at balot ng pangamba lalo na nga at nakita niya ang kanyang Panginoon na nagdurusa. Hindi ba at ganito rin ang ating mga puso pag may pagkakataong tayo ay pinangunahan ng takot.
Subalit ito ay mga kataga na nagpapatunay na wala sa libingan ang ating Panginoon. Hindi man niya kaagad na naunawaan ang kahulugan ng mga pangyayaring ito, ito ay isang mistulang simula ng mas marami pang pagtatanong kung ano ang nangyari sa ating Panginoon. Bakit walang laman ang libingan? Tanong na hindi nagtagal ay kanyang lubusang naunawaan. Na ang araw ng kagalakan ay dumating na. Ang araw ng pagkabuhay ni Kristo ay sumapit na.
“Nakita niya at siya ay naniwala.” Nang dumating pa ang dalawang alagad ni Kristo ay bumulaga sa kanila ang walang lamang libingan at nakita nila sa lapag ang telang panlibing na ipinambalot kay Kristo. Hindi pa nila nauunawan ang turo ni Kristo tungkol sa pagkabuhay na mag-uli hanggang sa sumapit ang araw na yaon. Na kanilang nabatid na totoo nga ang mga pa-ngaral ng kanilang Guro at Panginoon. May mga bagay din na patuloy nating pinag-iisipan kung hindi man ay pinag-aaralan tungkol sa ating pananampalataya. Nabuhay nga bang mag-uli si Kristo?
Ito ang isang yugto sa buhay ng ating Panginoon na siyang nagbigay ng kabuluhan sa lahat ng kanyang mga turo, at pagtatanggol sa sarili sa tuwing siya ay tinatanong ng mga tao, higit sa lahat ay ang mga may kapangyarihan. Patunay lamang na siya ay tunay na Diyos, na siya ang magdudulot sa atin ng buhay na walang hanggan sapagkat siya ang gumapi sa dilim ng kamatayan.
Nabuhay si Kristo! Ito ang araw ng kaganapan ng isang pangako, araw ng pagpapalaya sa pagkaalipin ng kamatayan, araw na nabuhay na mag-uli ang ating Panginoong Hesus, araw ito ng pagdiriwang ng buong sambayanang Kristiyano. Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, tayo’y magsaya at magalak Aleluya, Aleluya.
As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:
https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033
● Father Alfredo Rollon SVD