
Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya” (Jn. 3: 16-18).
Ang pag-ibig ng Diyos ay nagbibigay buhay. Ipinadala N’ya ang kanyang bugtong na anak upang iligtas tayo sa kamatayan. Ang pagmamahal ng Diyos ay sa atin ay nagbibigay buhay. Sa ating pagkakasala tayo ay namamatay, at hindi hinayaan ng Diyos na tayo ay mawala sa kanyang piling. Ipinadala N’ya ang kanyang bugtong na anak upang sagipin tayo sa kamatayan. Ang pagpapakasakit ni Hesus sa krus ay nag-ahon sa ating mga kasalanan. Ang pag-aalay ni Hesus ng kanyang buhay ay nagbibigay pag-asa upang ating makamtan ang tunay na buhay sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya. S’ya ang Diyos na nagkatawang tao, at nag-alay ng buhay upang iligtas ang tao.
Sa ating pagninilay sa pag-ibig ng Diyos sa panahon ng Kuwaresma, nawa’y matutunan natin na umibig tulad ni Kristo, na nag-aalay ng buhay. Ang pag-ibig ay makapangyarihan, ito nagbibigay buhay. Sikapin natin na patawarin at ibigin ang mga taong nagpahirap sa atin upang magkabuhay ang ating pamumuhay. Hindi natin makamtan ang buhay kung hindi tayo magpatawad sa ating mga kaaway. Sa tingin ko walang muling pagkabuhay kung si Hesus ay hindi nagpatawad sa mga taong nagpako, nagpahirap sa kanya. Ang pagpapapatawad ay magbibigay sa atin ng buhay.
Ang pagpapatawad ay pagpupuri sa Diyos. Kung pinatawad mo ang kaaway mo dahil sinu-nnod mo ang kalooban ng Diyos, pinupuri mo ang Diyos. Masaya ang buhay kung tayo ay nabubuhay sa tahimik at kapayapaan. Hindi maging maayos ang ating buhay kung ang ating puso ay puno ng galit. Palayain mo ang sarili mo sa galit, magpatawad ka. Ang taong hindi nagpapatawad ay parang bilanggo sa nakaraan, naging alipin sa galit at poot, at walang kapayapaan at direksyon ang buhay.
Hindi ang sarili ang ating itataas kundi si Kristo. Magpagkumbaba at tularan si Hesus upang may buhay ang ating Kristiyanong pamumuhay.
Father Jay Flandez SVD