Huwag matakot sa paglilingkod!

Huwag matakot sa paglilingkod!

Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay mag-lilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”  (Lc. 1: 30-33).

Sa huling Linggo ng Adbiento tayo ay pinaalalahanan na tulad ni Maria nawa’y maging handa tayo sa pagtanggap sa kalooban ng Diyos sa buhay natin. Ang pagtanggap sa kalooban ng Diyos sa buhay natin ay magdala sa atin ng ating kabanalan at kaganapan ng ating buhay. Mahirap ang misyon ni Maria. Pero sinabi ni Maria “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” Tinanggap ni Maria misyon ng Diyos sa kanyang buhay. Imposibleng misyon sa mata ng tao, pero sa Diyos lahat ay posible. Kung ang gagawin mo ay para sa kaharian ng Diyos, tandaan mo ito ay magiging matagumpay. Humarap man tayo ng mga pagsubok, maraming man mga hadlang at sagabal pero tayo ay magtatagumpay dahil walang imposible sa Panginoon.

Sa ating paghahanda sa panahon ng Adbiento, maging bukas din tayo sa kalooban ng Panginoon. Handa rin tayo na gamitin ang buhay natin para sa kaharian ng Diyos, tulad ni Maria. Si Maria ay naging handa sa pagsunod sa plano ng Diyos para sa sanlibutan. Handa ka na ba na gamitin ang buhay mo para sa kaharian ng Diyos?

Ito ang diwa ng Pasko, ang pag-aalay ng sarili para sa Diyos. Ang Pasko ay nagpapaalala sa atin sa dakilang pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan. Ibinigay N’ya ang kanyang bugtong na Anak para tayo ay sasamahan sa ating paglalakbay. Inialay ni Hesus ang kanyang buhay para sa atin. S’ya ay nagkatawang tao para tayo ay makapiling at masamahan sa ating pamumuhay. 

Magalak tayo dahil kasama na natin ang Diyos, masaya tayo dahil sasamahan na tayo sa ating paglalakbay, at may kaagapay na tayo sa ating pamumuhay bilang Migrante. Hindi na tayo matatakot dahil kasama na natin ang Diyos. 

Huwag kang matakot na harapin ang misyon sa buhay mo. Dahil kasama na natin ang Diyos. Nawala ang takot ni Maria, noong sinabi ng Anghel na “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan.” Kung tatanggapin natin ang plano ng Diyos sa buhay natin, sasamahan din pala tayo ng Banal na Espiritu Santo. 

Huwag kang matakot na tumanggap ng misyon ng Diyos para sa buhay mo. Tandaan natin na ang misyon ng Diyos sa buhay natin ay maghatid sa atin ng ganapan ng ating buhay.

Huwag matakot na harapin ang misyon sa buhay mo dahil kasama na nating ang Diyos! 

Father Jay Flandez SVD

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


___________________________________________________________________________