
Ngayon ating ipinagdiwang ang dakilang kapistahan ng Kristong Hari. At sa linggong ito ay ang katapusan ng ating pang-liturhiyang kalendaryo.
Ang kapistahan ng Kristong Hari ay nagpapa-alala sa atin, na sa katapusan, si Kristo ang maghahari sa buong mundo, sa buong kalawakan.
Ibig sabihin manaig ang ating pananalig sa kanya, magtagumpay ang ating pagsunod sa kanya at paggawa ng kabutihan para sa kanyang kaharian. Hindi tayo bibiguin ng Panginoon sa kanyang pangako na may tagumpay ang sumusunod kay Kristo at lumahok sa pagmimisyon para sa kanyang kaharian.
“Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya’y walang maisuot at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?’ Sasabihin ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.” (Mt. 25:38-40).
Si Kristo ay hari sa paglilingkod at sa pagmamahal. Ang kadakilaan sa mata ang Diyos ay ang paglilingkod sa mga nasa laylayan o mga mahihirap ng ating lipunan.
Kung gusto pala natin paglingkuran ang Diyos, dapat pala tayo tumulong sa mga nangangailangan. Makilala tayo ng Diyos hindi lamang sa ating pagsisimba, pagdadasal, kundi sa ating paggawa ng kabutihan sa ating kapwa.
Di ba sinabi ni Hesus; “Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.” Ang pagtulong sa mga nangangailangan ay si Kristo ang pinupurihan.
Ang pagdiriwang ng dakilang kapistahan ng Kristong Hari ay nagpapaalala sa atin, na ang buhay Kristiyano ay buhay pagtatalaga sa Diyos upang ating paglingkuran ang ating kapwa. Ang pagkahari ni Hesus ay hindi kapangyarihan upang gamitin, impluwensiyahan, pagmalupitan ang kanyang bayan kundi pagmamahal sa kanyang kawan.
Ang batayan ng paghahari ni Kristo ay ang pagmamahal sa Ama. Kung ang pagmamahal ang maghari sa buhay natin, handa natin paglingkuran ang sinuman nangangailangan. Dahil ang pagmamahal ay ang pinaka-dakilang banal na utos. Pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa.
As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:
https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033
Ating ipagdiwang ang dakilang kapistahan ng Kristong Hari sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya at paglilingkod sa kapwa.
Ang Kristiyano ay hari sa paglilingkod!
Father Jay Flandez SVD