
Ang pag-ibig ay ang batas. “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Hesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahala-gang utos” ( Mt. 22: 36-38).
Ang batas ay gabay para ibigin natin ang Diyos at ang ating kapwa. Kung ang pag-ibig na ang naghari sa puso natin tinutupad na natin ng batas. Ang pag-ibig ang pinakamahalagang batas. Ang Diyos ay pag-ibig, at niligtas tayo ng Diyos dahil sa pag-ibig hindi sa batas. Ang pag-ibig ng Diyos ang nagbibigay buhay sa atin. “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Jn. 3:16).
Sabi ni San Agustin ng Hipo, “kung ang lahat ng tao ay maru-nong umibig tulad kay Kristo, hindi na natin kailangan ng batas.” At dahil hindi tayo marunong umibig binigyan tayo ng Diyos ng batas para maging gabay kung papaano natin ibigin ang Diyos at ang ating kapwa. Tandaan natin ang batas ay gabay lamang. Mahalagang gabay.
Kung ang puso natin ay may tunay na pag-ibig hindi mabigat ang batas dahil sumusunod tayo sa Diyos na may pag-ibig sa kapwa. Ito ang dahilan bakit nabibigatan ang mga Pariseo at mga dalubhasa ng batas sa pagsunod at pagtupad ng batas, dahil ang puso nila ay walang pag-ibig sa kapwa. At ang pagtulong sa kapwa ay mabigat para sa kanila. At ito ang sinabi ni Hesus; “Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”
May dalawang magkapatid, ang isa ay may kapansanan, hindi makakalakad. Araw-araw siya ay kinakarga ng kanyang kapatid patungong paaralan. Sabi ng mga nakakita sa kanila. “Ang bigat niya bakit mo siya kinakarga, hindi ka ba naawa sa katawan mo, araw-araw mo siyang kinakarga?” Ang sagot ng kapatid na nag-karga ay; “hindi siya mabigat, kapatid ko siya.”
Kung tunay natin tinuturing kapatid ang ating kapwa, hindi sila mabigat at hindi kailangan ng batas upang atin silang paglingkuran. Dahil ang pag-ibig ay kusang naglilingkod at handang mag-sakripisyo para sa kapwa tao.
Pag-ibig ang batas sa isang totoo at tunay na Kristiyano!
Father Jay Flandez SVD