
Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.”(Mt. 4:19). Tinawag sila ni Hesus upang sumunod sa kanya at gawing mamamalakaya ng mga tao. Bago sila nag misyon ang mga alagad ay sumunod muna kay Hesus. Ano ba ang ibig sabihin sa pagsunod kay Hesus? Ang pagsunod kay Hesus ay ang pagbabago ng pamumuhay, pagtalikod sa mga kasalanan at sundan ang pamamaraan ni Hesus. Dahil ang pagsunod kay Hesus ay ang pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos.
Noong sumunod sila kay Hesus, binago ang kanilang pamumuhay. Sila’y mangingisda at iniwanan ang kanilang hanapbuhay, ang kanilang pamumuhay upang sumunod kay Hesus. Paano na sila mabubuhay kung wala na silang hanapbuhay? Hindi na nila kailangan na mag-hanapbuhay dahil sila ay tumugon sa tawag ng nagbibigay buhay, si Hesus. Si Hesus na ang kanilang pamumuhay at si Hesus ang kanilang buhay.
Kung tayo ay sumunod kay Hesus, tayo ay magkakaroon ng buhay. Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, hindi tayo natatakot, hindi tayo nababalisa dahil kay Hesus palaging may tagumpay. Hindi nag-alinlangan ang mga alagad na iwanan ang kanilang pamumuhay dahil ang tumawag sa kanila ay si Hesus. Si Hesus ang ating kaligtasan at nagbibigay sa ating ng buhay na walang hanggan.
Pag ikaw ay tinawag na maglingkod sa Panginoon, huwag kang matakot dahil sasamahan ka ng Diyos. Ang unang tawag ni Hesus sa atin ay ang pagbabago sa ating pamumuhay, baguhin ang sarili para mamuhay ng kabanalan. Dapat si Hesus ang maging sentro sa ating buhay. Kung ang Diyos ang sentro sa ating buhay, ang ating pagmimisyon ay naka sentro din sa kanya, sa kanyang kaharian.
May mga naglilingkod sa Simbahan na ang kanilang layunin ay pang-sarili lamang. Hindi ito ang tunay na paglilingkod. Nakalimutan nila ang unang tawag ni Hesus ay ang pagabago ng sarili. “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang mag-hari ang Diyos.”(Mt. 4:17). Dahil ang paglilingkod natin ay ang pag-aalay ng ating buhay para sa kaharian ng Diyos. Ang pagtatalaga ng sarili para sa Diyos ay unang hakbang upang tayo ay tunay na makasunod kay Hesus. Noong tumugon sa tawag ni Hesus ang mga alagad sinasakripisyo nila ang kanilang pamumuhay, ang kanilang sarili. Ibig sabihin, ang tawag ng Diyos ay ang pagsasakrisyo ng sarili dahil gamitin ang sarili natin para sa kaharian ng Diyos. Nagmimisyon tayo hindi para itaas ang sarili, sa halip ang Diyos ang itataas, ang kanyang kaharian ang ating ipalaganap.
Tinawag tayo ng Diyos upang ipalaganap ang kanyang kaharian!
Father Jay Flandez SVD