
Simula sa buwan ng Oktubre karamihan sa ating mga Kababayan ay abalang-abala na sa pagpa “door to door” ng mga regalo sa darating na Pasko. Nasisiyahan tayo pag nagbibigay tayo sa ating mga mahal sa buhay. Sila ang dahilan kung bakit tayo ay nangibang bansa. At minsan sila din ang dahilan kung bakit tayo ay nalulungkot at nasasaktan. Lalong lalo na kung hindi man lang tayo mapasalamatan sa mga pinadala natin na ating pinaghirapan.
Sa ating Ebanghelyo, pinagaling ni Hesus ang sampung ketongin dahil sila ay nagmakaawa, “Hesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” Lahat sila ay gumaling pero isa lang ang bumalik at nagpapasalamat kay Hesus.
Tayo ba ay nagpapasalamat kay Hesus sa mga biyaya na ating natanggap sa kanya? Baka sa panahon ng tayo ay nagipit at nangangailangan ng tulong doon lang tayo lumapit at tumawag kay Hesus. Kung nasagot na at nalutas na ang mga suliranin natin, nakalimutan na natin ang Diyos.
Ang pamumuhay ng isang Kristiyano ay pamumuhay ng pasasalamat, dahil sa kabila ng ating kasalanan, minahal at niligtas tayo ng Diyos. Dapat ating pasalamatan ang Diyos sa kanyang kabutihan sa pamamagitan ng ating pagsunod sa kanyang kalooban, sa pamamagitan ng pagdadasal at pagtulong sa kapwa. Niligtas na tayo ng Diyos, at ang ating pagdadasal ay isa nang pasasalamat sa Kanya. Ang ating pagpapakita ng kabutihan at pagtulong sa kapwa ay isang ng pasasalamat sa Kanya. Ang buhay Kristiyano ay buhay pasasalamat. Ang Kristiyano ay nagpapasalamat sa kabutihan ng Diyos.
Pero ano ba ang buhay mo ngayon? Buhay na puno ng reklamo?
Mga kapatid ang ating buhay ay biyaya ng Diyos at S’ya ang may-ari ng buhay natin. Kung hayaan mo ang Diyos ang maging sentro sa buhay mo, makamtan mo ang tunay ng kagalingan dahil hindi kalooban ng Diyos na ang kanyang nilikha ay mawasak at masira. Tulad ng mga may sakit, ang mga ketongin sa ating Ebanghelyo, sila ay hindi na kabilang ng lipunan dahil sa kanilang karamdaman, sila ay lumapit kay Hesus ang kanilang pag-asa, na sila’y kahabagan at makamtan ang kanilang tunay na kagalingan.
Kung ang buhay mo ay puno ng kaguluhan at walang kapayapaan, lapitan mo si Hesus, dahil hindi ka N’ya pababayaan na hayaang mawasak ang iyong buhay. Ang paglapit kay Hesus ay isang pagpapakita na hindi maging buo ang buhay natin, kung hiwalay tayo sa kanya.
Magpasalamat tayo kay Hesus dahil S’ya ang bumuo sa buhay natin.
As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:
https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033
Father Jay Flandez SVD