Ang hiwaga ng pagiging pinagpala

Ang hiwaga ng pagiging pinagpala

Malimit kong marinig sa isang religious group sa Hong Kong ang salitang “pinagpala.” Ito ay nagiging expression na nila kapag sila ay tinatanong ng pangungumusta. “Ay, pinagpala po father”.  Subalit sa unang banda ay paano nga ba nila nasabi na sila ay pinagpala? Kung titingnan natin ang kanilang estado at trabaho ay maari ngang masabi na sila ay aba, o naghihikahos, nalulungkot dahil malayo sa pamilya, baon sa utang,  at higit sa lahat ay mabigat ang kanilang mga gawaing pambahay. 

Naakma sila sa pinag-uusapan ngayon sa Ebanghelyo bilang mga pinagpala (maari ring mapapalad o masasaya ang gamiting salin sa wikang Tagalog ng salitang “blessed”) Sa unang linya pa lang ay sinasabing mapapalad kayong mahihirap, ang kaharian ng Diyos ay sa inyo. Sinundan ito ng mga nagugutom, tumatangis, kinamu-muhian ng iba, iniitsapuera, inaalimura, at kinukutya ang pangalan dahil kay Kristo. Teka muna. Parang saliwa ito sa pinapahalagahan natin at itinutu-ring na mga biyaya. Di ba mahalaga ang pera, ang pagkain, ang tuwa, ang walang nagagalit, ang walang nagtatangi o walang kumukutya?  

Lord, gusto naming maging mga pinagpala. Kaya bigyan mo kami ng pera; bigyan mo kami ng maraming pagkain; magandang bahay; kotse; alahas; at lahat ng nakikita ko sa TV at mga patalastas tungkol sa karangyaan. Lord bigyan mo kami kung anong meron ang kapitbahay namin.

Subalit ang tugon ng Diyos ay kakaiba. Pagpapalain tayo sa kabila ng kahirapan. Tayo ay kanyang bubusugin, aaluin, pahuhupain pagtangis at higit sa lahat ay ipagtatanggol. Kaya nga tila sinansabi niya na ang pagpapalang ibibigay ko ay hindi yung maka-mundo. Pagpapalang hindi nauubos, nabubulok, o naaagaw ng iba. Ang kanyang ibibigay ay pagpapalang makalangit at magpasawalang hanggan. Ang ibibigay niya sa atin ay ang kanyang presencia. 

Ang mga taong nakinig sa ating Panginoon ay umuwi pa ring mahihirap, walang pagkain, patuloy pa ring haharap sa mga bagay na maaring magdulot sa kanila ng pagtangis at kalungkutan. Sila ay patuloy pa ring aalimurain at uusigin. Subalit sila ay umuwing masaya sapagkat ang tunay na pagpapala ay hindi kung anong dami ng mga bagay na napapasaatin. Bagkus ang pagpapala ay kung ano ang nakamtan natin. Iyan ay ang presensiya ng Diyos sa ating buhay. Sabi nga ni Santa Teresa ng Avila: “Solo Dios, Basta”. In God alone.  Sa Diyos lamang. Ang lahat ng pagpapalang may kabuluhan ay galing sa kanya. Yan ang hiwaga ng pagiging pinagpala sa piling ng Diyos.

Father Alfredo Rollon SVD

___________________________________________________________________________