Buhay pamilya daan ng kabanalan!

Buhay pamilya daan ng kabanalan!

Ang pamilya ay isang biyaya ng Diyos. Ang Diyos mismo ay pumarito sa mundo sa pamamagitan ng pamilya, sina Maria at Jose. Sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos nagkaroon tayo ng Kristo na naging bahagi ng isang pamilya. Halos lahat ng mga OFWs, ang kanilang rason bakit, nangibang bayan ay para sa kinabukasan ng kanilang pamilya. Pero marami ding pamilya na nawawasak, nasisira dahil na din sa pangibang bansa ng ating kababayan.

Maraming dahilan kung bakit nawawasak ang pamilya. Isa sa mga dahilan ay ang paglimot sa pangako sa Diyos at sa pamilya. Hindi madali ang mawalay sa pamilya. May mga panahon na nalulungkot tayo at gusto natin makapiling ang ating mga mahal sa buhay. Kung ang pagmamahalan at pagsasakrispisyo ang nangimbabaw sa ating pamumuhay makakayanan natin na mapahalagahan ang ating pamilya, hindi ang sariling kapakanan.

Ang pagpapamilya ay isang pagsasakripisyo. Ang Ama at Ina ay dapat matutong limutin ang kanyang sariling kagustuhan. At dahil sa pamilya hindi na ang iyong sarili ang mahalaga kundi ang buong pamilya. Kung ang sarili ang mahalaga s’yo, baka maiwan ang pamilya mo. Tulad ni Maria at Jose, noong nalaman nila na hindi nakasama ang batang Jesus sa kanilang pag-uwi, sila’y bumalik sa Jerusalem upang hanapin ang bata. Nawa’y tularan natin sila Maria at Jose, kung ang kasapi ng ating pamilya ay nawawala sa tamang landas nawa’y atin silang tulungan at gabayan para makabalik sa tamang daan tungo sa kaharian ng Diyos.  

Ang ating komunidad dito sa Hongkong ay ang ating ikalawang pamilya. Kung may mga kasamahan tayo na nawalay na sa tamang Kristiyanong pamumuhay atin silang tulungan upang makabalik sa kanilang tunay na pagkakakilanlan bilang mga anak ng Diyos. Kung hiwalay tayo kay Kristo hindi buo ang ating pagkatao, dahil sa Diyos tayo nagmula.

Sa dakilang kapistahan ng Banal na mag-anak, ating papahalagahan ang ating pamilya. Tandaan natin ang pamilyang Kristiyano ay daan para mapabanal ang bawat kasapi nito. 

Tularan natin sina Maria at Jose, noong nawala ang bata, sila’y pumunta ng simbahan at doon nila natagpuan ang solusyon ng kanilang problema dahil nakita nila ang kanilang hinahanap.

Ang pamilya mo ay biyaya ng Diyos, magpasalamat ka sa Kanya, sa pamamagitan ng pagsasakripisyo sa iyong buhay para sa Diyos at sa pamilya.

Father Jasy Flandez SVD

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


___________________________________________________________________________