
Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako. Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “ibig ko. Gumaling ka!” (Mc.1: 40-41).
Kakaiba itong kwento ng isang taong nangangailangan ng habag at kagalingan. Alam n’ya ang kanyang tanging hiling ay ang kanyang kagalingan lamang. Maibalik ang kanyang kalusugan upang makapamuhay nang normal at makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay. Sa kanyang pangangailangan hindi siya nag “demand” kay Hesus. Sabi lang niya kay Hesus, “kung ibig po ninyo’y mapapagaling ninyo ako.” Nakita ni Hesus ang kanyang kababaang loob, ang kanyang pagkumbaba. Malalim ang pananampalataya ng taong ito at dahil dito siya ay pinagaling ni Hesus.
Ang tunay na pananampalataya ay marunong tumanggap sa kalooban ng Diyos. Noong sinabi ng ketongin kay Hesus, “kung ibig po ninyo…” ito ay ang pagpapakita na handa niyang tanggapin ano man ang kalooban ng Diyos sa buhay niya. Nagtitiwala siya na hindi siya pababayaan ng Diyos, sa kabila ng kanyang karamdaman at kalungkutan na mawalay sa kanyang mga mahal sa buhay, alam niya na sasamahan siya ng Panginoon.
Ang pagpakumbaba ay isang mahalagang katangian ng isang Kristiyano. Kung ang isang tao ay masyadong mapagmataas walang lugar si Kristo sa kanyang buhay. Ang ganitong tao ay makasarili. Kung ang ganitong klaseng tao ay nasa kahirapan malamang nagde-demand kay Kristo sa gusto nilang mangyari sa buhay nila. Hindi na sila nananalangin kundi inuutusan na ang Panginoon kung ano ang gusto nila. Ang ganitong klaseng pana-langin ay mapagmataas, walang pakumbaba. Tandaan natin ang panalangin ay ang pagsuko o pag-surrender sa buhay natin sa Panginoon.
Kung isuko mo ang buhay mo sa Diyos, ang Diyos na ang bahala sa buhay mo. Sa pagsuko o pag-surrender sa buhay natin sa Panginoon dito natin maranasan ang pagpapala at himala galing sa Kanya. Tulad ng ketongin, isinuko n’ya ang buhay n’ya, at nagpakumbaba, at ang himala na kanyang inaasam-asam ay nakamtan dahil siya at nagtitiwala na hindi siya pababayaan ng Diyos.
Patatagin mo ang pananampalataya mo sa pamamagitan ng pagpakumbaba na sumunod kay Kristo. Ano man ang kalagayann o sitwasyon ng buhay mo, magtiwala ka kay Kristo, dahil ang nagtitiwala sa kanya at nagpakumbaba ay nagtatagumpay sa kanilang paglalakbay.
• Father Jay Flandez SVD