
Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay nagpapaalala sa atin na sa Linggong ito, ayon sa ating liturhiya ay ang katapusan ng Linggo ng Karaniwang Panahon. Sa darating na Linggo ay simula ng bagong pang-liturhiyang kalendaryo, at nagsisimula ito ng Unang Linggo ng Adbiento.
Sinasabi sa ating pagbasa, “Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono.
Sa panahong iyon, matitipon sa harapan niya ang lahat ng tao. Sila’y pagbubukud-bukurin niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa ang mga kambing.”
Darating si Hesus para tayo ay gagantimpalaan sa mga mabubuting gawa natin at parurusahan ang hindi sumunod sa kanyang kautusan at hindi naglilingkod sa kapwa.
Gusto nating lahat na makasama natin si Hesus sa kanyang kaharian, gusto natin na makapasok at makasama sa kanyang kaluwal-hatian.
Ang makapasok sa kaharian ng Diyos ay iyong marunong magmahal at maglingkod sa kapwa. Sinasabi sa pagbasa; “Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan.
Sapagkat ako’y nagugutom at inyong pinakain, nauuhaw at inyong pinainom.
Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan…. Sinasabi ko sa inyo; nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito’y sa akin ninyo ginagawa.
Ang langit ay para sa mga taong marunong magmahal at maglingkod sa kapwa. Mahalaga na tayo’y manalangin, magdebosyon, pero kung ang ating panalangin ay hindi ito sinasabuhay sa pamamagitan nang paglilingkod sa ating kapwa, walang kabuluhan ang ating pananampalataya.
As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:
https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033
Si Hesus mismo ang nagsasabi na pag tayo’y tumulong sa ating mahihirap at pinakahamak na mga kapatid si Hesus ang ating pinaglingkuran.
Kung gustong mong papurihan si Hesus, maglingkod ka sa kapwa mo, tutulong ka sa mga nangangailangan. Ang paglilingkod sa ating kapwa ay nagpapatunay na mahal natin si Hesus.
Nawa’y ang motibasyon natin sa ating paglilingkod ay ang pagmamahal ni Hesus. Kung ang pagmamahal ni Hesus ay isa-isip at isa-puso natin, hindi tayo mapapagod sa ating paglilingkod sa kapwa, dahil ang tunay na pagmamahal ay hindi napapagod.
Kung ikaw ay napapagod dahil sa iyong pagtulong sa iyong pamilya, lalapit ka kay Hesus at hihingi ka ng lakas at tulong sa kanya.
Hindi ka bibiguin ni Hesus, dahil mahal ka niya, at gusto ni Hesus ang ikaw din ay maging bahagi sa kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng paglilingkod sa ating kapwa.
Tularan natin si Hesus, siya ang hari ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa!
• Father Jay Flandez SVD