Pag-ibig ni Kristo,pundasyon ng ating relasyon!

Pag-ibig ni Kristo,pundasyon ng ating relasyon!

Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya”(Jn. 14:23).

Ang pag-ibig na itinuro ni Hesus sa atin ay hindi lamang ito emosyon, ito ay pagtutupad sa dikta ng iyong konsensya o sa iyong puso na magbibigay ng kagalakan sa iyong iniibig. Pag-ibig na naninindigan sa tama at katotohanan. Ito ang sabi ni Hesus, na ang umiibig sa kanya ay tutupad sa kanyang salita. Kung iniibig natin si Hesus ating tutuparin ang ating pangako sa binyag, na tatalikuran ang kasamaan at sumunod sa utos ng Diyos. Dahil ang pagsunod sa utos at kalooban ng Diyos ay pagpapakita na mahal natin Sya at hindi ang ating sariling kagustuhan ang nasusunod. Pag-ibig na marunong mag-sakripisyo upang manahan ang Diyos sa ating buhay.

Ang pagsasabuhay  sa mga turo ni Hesus ay pagpapakita ng konkretong pag-ibig na sinasabi ni Hesus. Ang Salita ng Diyos ay naging buhay kung ating paglingkuran ang kapwa. Dahil ang pag-ibig ay paglilingkod sa kapwa. Ang pag-ibig na itinuturo ni Hesus, ay pag-ibig na handang mag-alay ng kanyang buhay upang paglingkuran ang mga nangangailangan sa ating lipunan. Nawa’y ito ang isapuso ng ating mga bagong halal na mga lider sa ating bansa. Ang lider na may takot at pagmamahal sa Diyos, ay isang lider na magbibigay sa atin ng pag-asa, upang ang pamamaraan at kaharian ng Diyos ang maghari sa ating bansa, hindi ang sarili o makasariling pamamaraan, kundi ang pamamaraan na magbibigay sa atin ng tamang daan tungo sa ating kaunlaran.

Kung isasabuhay natin ang pag-ibig na turo ni Hesus, ito ang mag-aangat sa atin. Ito ang magpapabago sa ating buhay, sa ating lipunan. Gusto natin na mabago ang ating lipunan, pero ang tanong, sinasabuhay ba natin ang pag-ibig ni Kristo? Hindi natin makamtan ang pag-ibig na turo ni Kristo kung hindi tayo makikinig sa Banal na Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang gabay natin, ang mag-turo sa atin kung paano umibig tulad ni Kristo.

“Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.” (Jn.14: 25).  Ang Espiritu Santo ang magturo sa atin kung paano umibig tulad kay Kristo. Paano? Sa pakikinig sa tinig at gabay ng Espiritu Santo. Pero kung ang pinakinggan lang natin ay ang ating sariling kagustuhan, ang ating makasariling “pag-ibig” hindi makakamtan ang tunay na kalayaan. Ang makasariling pag-ibig ay nakakasira ng relasyon, pero ang pag-ibig ni Kristo ay pundasyon at nagpapatibay ng relasyon. 

At ang pag-ibig na ito ay buhay. Dahil, mananahan ang Ama at si Hesus sa kanya. Ang Diyos ay pag-ibig. Kung tayo ay umiibig, nananahan ang Diyos sa atin, tayo ay maging kawangis ng Diyos. At sa ating pag-ibig sa kapwa ay ating maipakita si Kristo sa ating pamumuhay na puno ng pag-ibig at handang mag-alay ng buhay para sa kaharian ng Diyos.

Ating isabuhay ang pag-ibig ni Kristo, dahil ito ang pundasyon ng ating pag-ibig sa kapwa. Pag-ibig ni Kristo pundasyon ng ating relasyon!

Father Jay Flandez SVD

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


___________________________________________________________________________