
Tuwing bagong taon palagi nating naririnig; “magbago na ako!” Pero ilan buwan lang ang nakalipas balik na naman sa lumang pamumuhay. Para bang nasanay na tayo sa lumang buhay, at ayaw na natin sa bagong buhay. Hindi madali ang pagbabago kailangan natin si Kristo. Dahil kung aasa lang tayo sa ating kakayahan walang mangyaring pagbabago. Humingi tayo ng tulong kay Kristo, dahil ang pagbabago ay para kay Kristo, para sa kaharian ng Diyos.
“Noong panahong iyon: umakyat si Hesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan, at Santiago. Samantalang siya’y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti.” (Lc. 9:28-29). Si Hesus ay papunta sa Jerusalem upang harapin ang kanyang misyon, ang kalbaryo para sa ating kaligtasan. Dumaan muna S’ya sa bundok ng Tabor upang manalangin. At sa kanyang panalangin ay nagbabagong anyo si Hesus. Ipinakita kay Hesus, na pagkatapos sa kanyang misyon, ang pagpapako sa krus, ay makakamit N’ya ang tagumpay, ang muling pagkabuhay.
Ang panalangin ay maghatid sa atin ng ating tagumpay. Tagumpay para sa kaharian ng Diyos. Ang gusto nating tagumpay ay para lamang sa sarili. Akala natin naging tagumpay tayo kung nakakamit na natin ang gusto natin. Baka naman hindi gusto ng Diyos yan, gusto mo lang. Bago nakamtan ang tagumpay ni Hesus sumunod S’ya sa kalooban ng Ama. Ano ang kalooban ng Ama, na maghirap si Hesus, ipako sa Krus para sa kaligtasan ng sanlibutan. Ipinakita ng Ama ang pagmamahal N’ya sa atin sa pamamagitan ng kanyang buntong na Anak. At naging masunurin si Hesus, dahil ito ang kalooban ng Ama. Sinabi ng ating pagbasa; “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang. Siya ang inyong pakinggan.”(Lc.9:35).
Pakinggan natin si Kristo dahil ang mga salita N’ya ay siguradong maghahatid sa atin ng tagumpay. Sa panahon na nauso ang social media, maraming ng mga “fake news”, maling impormasyon. Ikaw ano ba ang pinakinggan mo? Dapat kay Kristo lang tayo para hindi mabudol-budol ang buhay natin. Dahil kung tayo kay Kristo, tayo ay nasa tunay na daan tungo sa kanyang kaharian.
Ang pagbabago ay ang pakikinig at pagsunod kay Kristo.
Father Jay Flandez SVD