Kabutihan ng isang Kristiyano makakapagbago

Kabutihan ng isang Kristiyano makakapagbago

Masakit isipin pero sa ating lipunan ay may maraming hindi nakakakita sa tunay na halaga ng isang tao. Kung wala si Kristo sa buhay natin ang tingin natin sa iba ay ari-arian o kasangkapan. Bilang mga taga-sunod kay Kristo huwag tayong matakot ng gumawa ng kabutihan sa kabila ng kahirapan. Ito ay oportunidad na ipakita natin ang ating pagmamahal kay Kristo sa pamamagitan ng pagtulong sa ating mga kapatid na nangangailangan. Hindi madali na ikaw ay ipagtabuyan, masakit at pakiramdam mo parang bang wala ng halaga ang iyong pagkatao. Dahil tayo ay kay Kristo akayin at pagsiglahin natin sila sa pamamagitan ng ating pagtulong at paggabay sa kanila. Ang tulong at kabutihan mo ay nagbibigay liwanag at pag-asa sa mga naaapektohan o biktima.

Sa ating pagbasa sinabi ni Hesus; “Maari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayun.”(Lc. 6:39). Ang ating pananampalataya ay nagbibigay liwanag para gumawa ng kabutihan sa kapwa. Akayin at tulungan natin ang ating mga kapatid na nangangailangan upang makita nila si Kristo sa pamamagitan ng ating mabubuting ginagawa.

“Walang mabuting punong kahoy na namumunga ng masama, at walang masamang punong kahoy na namumunga ng mabuti.”(Lc.6:43). Tayo ay galing sa mabuting puno, si Kristo. Kung galing tayo kay Kristo, na puno ng kabutihan dapat kabutihan din ang mga kilos natin. “Ang mabuting tao ay nakapagdudulot ng mabuti sapagkat tigib ng kabutihan ang kanyang puso.” (Lc. 6:45). Kung si Kristo ang nasa puso natin, tayo ay gumagawa ng mabuti para sa ating kapwa at ikagaganda ng ating lipunan.

Ipakita natin na ang tunay na Kristiyano, ang tunay na alagad ni Kristo ay patuloy na gumagawa ng mabuti sa kabila ng kaguluhan at sa kabila ng pang-aapi. Nasaktan man tayo, patawad pa rin ang kilos natin dahil tayo ay sumunod kay Kristo. Pero ipaglaban natin ang ating karapatan bilang manggagawa. Dahil ang kabutihan ng isang Kristiyano ay  magpapabago ng lipunan.  

Ang tagasunod kay Kristo ay instrumento ng pagbabago upang ang taong hindi nakakita kay Kristo ay makakikita sa pamamagitan ng ating kabutihan at pagmamahal sa kapwa.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________