Huwag mapanghusgasa kapwa

Huwag mapanghusgasa kapwa

Marahil ay narinig na natin ang matandang  kasabihan o golden rules na “Gawin mo sa iba ang nais mong gawin din nila sayo” isang pananaw na nag aaya na tayo’y gumawa ng mabuti sa kapwa dahil ganon din ang nais nating gawin ng iba sa atin.  Pero sa Ebanghelyo ngayon, mas higit pa ang paanyaya ni Hesus, at yan ay gumawa ng mabuti sa ating kapwa kahit di nila gantihan ang ating kabutihan. Magpautang kahit walang tubo o hindi man tayo bayaran. Ang magbigay daw ng walang hinihintay na kapalit. At ang mabigat nyan eh magpatawag at mag mahal kahit hindi ito ibalik sa atin. Pagibig o radikal na pagmamahal ang puso ng imbitasyon ni Hesus sa atin. Kadalasan ang nadidinig natin sa iba eh ngipin sa ngipin o mata sa mata. Laban sa kaaway. Ganti ganti lang sa kaaway o kaya siraan ang nagiging pananaw ng iba. Sa social media makikita natin kung paanong magsagutan ang magkakaiba ng opinion. 

Dahil sa pagkalat ng mga Fake News madami ang affected at madaling madala. Sa mga posting sa social media makikita ang maiinit at minsan ay masasakit na palitan ng salita. Ang iba nga nag mumura pa at may kasama pang pagbabanta. Pero mahalagang pag nilayan natin ang mensahe ni Hesus, “ibigin mo ang iyong kaaway, Huwag huhusga” mga paalala na parang mahirap sundin lalo na kung nasaktan tayo o nagawan ng masama. Pero bilang taga sunod ni Hesus, walang ibang daan kundi sa landas ng Pagmamahal at Paglilingkod at yes, Pagpapatawad. 

Yun bang magbigay tayo at magmahal kasi iyun ang tama. Ang magpatawad kasi ang Diyos ay mapagpatawad. Maging mapag bigay ay mahabagin kasi ang Diyos ay mahabagin. At syempre, huwag manghuhusga, kasi ang Diyos ang may alam ng lahat at sya lamang ang makapaghuhusga ng tama. Minsan mahirap sundin ang pananaw na ito, pero kung sasamahan natin ng panalangin at pagtitiwala sa Diyos eh walang imposible. Wala naman sa ating perpekto di ba? At tayo ay nagkakamali din. At gusto din natin na mapatawad sa ating kamalian. Nagigipit din tayo minsan at kailangan ang tulong ng iba. Kaya mahalaga na maging mababa ang ating kalooban. Sabi nga ni Hesus, “Ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin sa inyo.” Ikaw paano mo ba gustong itrato ka ng iyong kapwa? Paano ka ba manukat o tumakal ng iyong kapwa? Nawa’y gabayan at bendisyunan tayo ng Diyos na magmahal at magpatawad ng walang sukatan. Radikal na pagmamahal mula sa puso na maluwag at bukas magpatawad. Hindi maghuhusga ng kapwa. Magbibigay kahit walang kapalit. Maglilingkod at magmamahal sa lahat pati na sa kaaway. Ipagdadasal at hahangarin lagi ang kabutihan ng kapwa. Sa huli, ang Diyos ang bahala sa lahat at alam nya ang mabuti sa atin. God bless po.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________