Iningatan ni Maria ang lahat sa kanyang puso

Iningatan ni Maria ang lahat sa kanyang puso

Minsan sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad “ kung nasaan ang inyong yaman, naroroon ang inyong puso”. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay ipinakita ang kabalisahan ni Maria at Jose sa pagkawala ng kanilang anak na si Hesus. Iniwan nila ang lahat at hinanap siya. Dahil para kay Maria at Jose, si Niño Hesus ang kanilang yaman at sya ang itinatangi nila sa kanilang mga puso. 

Ngayon nga ay Kapistahan ng Santo Niño ay magandang pagnilayan at tanungin kung ano ba o sino ang ating yaman at dahil tiyak na anduon ang ating puso. Pera ba? Bahay? Lupa? O emosyon tulad ng saya o galit. Dahil kung ang mga ito ang ating yaman na iniingatan ay tiyak na yan ang laman ng ating puso. 

Sa isang banda si Maria, ang pinakaiingat ingatan nya sa kanyang puso ay si Niño Hesus. Ang kanyang Anak ang tangi nyang yaman. Ang Santo Niño ang saya at kaganapan ng puso ni Maria. Kayat ang puso ni Maria ay nagpupuri sa Panginoon at nagagalak ang kanyang espiritu dahil sa kanyang Tagapagligtas, si Niño Hesus. 

Katulad ni Maria ingatan natin ang lahat sa ating puso at punuin natin ito ng pagibig ni Hesus. Dahil kung si Hesus ang ating yaman, sa kanya papanatag ang ating puso. Viva Santo Niño. Pit Senyor.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________