
Lang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak na sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng Ina ng aking Panginoon.” (Lc. 1: 41-42).
Ang pagbisita ni Maria sa kanyang pinsan na si Elisabet, ay nagdala ng kagalakan kay Elisabet. Una, napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet. Dahil kay Maria nabalot ng Espiritu Santo ang kanyang pinsan. Sa ating pamumuhay bilang Katoliko mahalaga ang papel ni Maria sa ating pananampalataya. Pinili si Maria ng Panginoon upang sa pamamagitan N’ya magkaroon tayo ng Mesiyas. Dumaan si Hesus, ang ating tagapagligtas, sa sinapupunan ni Maria. Para bang si Maria ang modelo ng “Synodality”. Nakikipaglakabay si Maria upang sa pamamagitan N’ya makilala natin ang Panginoon. Hindi si Maria ang tagapagligtas, ang misyon ni Maria ay ipakilala ang tagapagligtas sa atin upang ang buhay natin ay mapuno ng kahulugan at direksyon.
Dahil kay Maria, nakilala ni Elisabet ang Diyos. Ano ba ang sabi ni Elisabet noong dinalaw S’ya ni Maria; “Sino ako upang dalawin ng Ina ng aking Panginoon.” Ito ang misyon ni Maria, ipakilala ang kanyang Anak upang atin sundan ang pamamaraan ni Hesus. Tayo rin ay may misyon na tuluran si Maria, na maging, instrumento tayo sa Panginoon. Sa pamamagitan ng ating pamumuhay bilang Katoliko, makilala nawa nila ang Diyos sa ating pamumuhay. Sa pamamagitan ng ating pagtulong sa kapwa, pagsasakripisyo, at pag-alay ng ating buhay makikila nila ang Diyos. Kung hindi natin tularan si Maria, ang sarili natin ang kanilang makilala. Hindi natin makamtan ang buhay kabanalan kung ang sarili ang mauuna kaysa pananampalataya. Si Maria ay napuno ng tiwala sa Diyos, sabi ni Maria kay Anghel Gabriel; “Ako’y alipin ng Panginoon. Magyari sa akin ang iyong sinabi.” (Lc. 1:38). Hinayaan ni Maria na gamitin S’ya ng Panginoon. At nakilala ang Panginoon sa presensya ni Maria.
Tinanggap ni Maria ang plano ng Diyos para sa kanyang buhay at dahil dito ang nakita sa kanya ang Panginoon. Nawa’y sa ating paghahanda sa panahon ng adbiento, ialay natin ang ating buhay sa Panginoon upang sa ating pang araw-araw na pamumuhay si Kristo ang makita sa atin. Ito ang diwa sa ating paghahanda sa Adbiento na si Kristo ang makilala sa pamamagitan ng ating pagmamahalan at pagbibigayan.
Misyon natin na ipakilala ang Diyos sa pamamagitan ng ating pamumuhay!
Ikaw ano ang kaya mong gawin?
Father Jay Flandez SVD