
Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog nang higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagka-loob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.” (Mc. 12:43-44).
Sa ating pagbasa sa linggong ito tayo’y tinuturuan ni Hesus ang tunay na diwa ng pagbibigay. Madaling magbigay kung ito ay extra, o labis sa atin. Pero kung importante o mahalaga sa atin, ang hirap bitawan o ibigay. Ang babaing Balo sa ating pagbasa ay nagbigay lamang ng dalawang kusing o katumbas lamang ng isang pera. Pero ito na ang kabuuan ng kanyang pangkabuhayan. Ibig sabihin hindi sa halaga ang pagbibigay kundi sa pagsasakrisyo kung ano ang mahalaga sa atin. Ang tunay na diwa ng pagbibigay ay ang pagsasakripisyo ng ating oras, panahon, talento, kayamanan para sa Panginoon at patulong sa mga nangangailangan. Maraming mayayaman na nagbibigay na malaking pera sa simbahan o sa mga organisasyon. Pero hindi nila kaya isakripisyo ang kanilang oras o panahon para sa simbahan at sa kapwa. Ibig sabihin hindi mahalaga ang kanilang ibinigay, ito ay “extra” o labis laman sa kanilang kayamanan.
Ang tunay na pagbibigay ay galing sa puso, dahil kung ito ay galing sa puso natin, ito ay nagbibigay kapurihan sa Panginoon. Tulad ng babaing balo, sa kanyang kawalan o kahirapan nagbigay pa rin siya sa Panginoon. Siya nagtitiwala na hindi siya papababayaan ng Panginoon sa kanyang materyal na pangangailangan.
Kung hindi matibay ang pananampalataya ng babaing balo, baka hindi niya ibigay lahat ang nasa kanya. Ang matibay na pananampalaya ay handang magbigay para sa kaharian ng Diyos. Ang buhay ng mga Santo ay buhay ng pagbibigay para sa Kaharian ng Diyos. Ang daan pala para sa kabanalan ay ang pagbibigay ng ating buhay para sa Panginoon. Ang Panginoon na ang ating buhay.
Nawa’y ating patibayin at palakasin ang ating buhay pananampalataya upang hindi natin pagdamutan si Hesus sa ating oras o panahon. Dahil ang taong puno ng pananampalayata ay handang magbigay para sa Diyos at sa kapwa. Ang babaing balo sa ating pagbasa ay may matibay na pananampalataya, ibinigay niya lahat ang sa kanya para sa Panginoon.
Ang pagbibigay na galing sa puso, ay nagpupuri sa Panginoon.
Father Jay Flandez SVD